Nasagip ng mga tauhan ng Philippine National Police Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) ang isang Chinese national na na-kidnap sa Cavite.
Ayon kay PNP Chief General Debold Sinas, nailigtas ang biktimang si Chen Mingjon sa bahagi ng Barangay Tibig sa Silang, Cavite bandang 12:30, Huwebes ng madaling-araw (March 4).
Ilang oras lamang ito matapos i-report ng mga kapwa Chinese ang kidnapping incident sa mga awtoridad.
Sinabi ng PNP chief na pumunta si Jiaqui Chen, 26-anyos na Chinese, sa AKG headquarters dakong 8:45 ng gabi para i-report ang pag-kidnap kay Chin Mingjon.
Habang inaayos ng mga imbestigador ng AKG ang report, nakipag-ugnayan ang mga kidnapper sa nagreklamo at humingi ng dagdag na ransom para kay Mingjon, maliban pa sa 53,000 RMB Chinese currency ransom na una nilang ibinayad sa pamamagitan ng mobile at online payment platform.
Dahil sa takot na mapatay si Mingjon, sikretong nagbigay ang kumpanya nito ng karagdagang 9,750RMB sa pamamagitan ng kaparehong online payment facility.
Bandang 9:30 ng gabi, ipinagbigay-alam ng mga kidnapper na pinalaya na nila ang biktima at ipinadala ang eksaktong lokasyon sa pamamagitan ng mobile phone app kung saan makikita ang biktima.
Agad nagtungo ang mga tauhan ng AKG mula sa Luzon Field Unit sa bahagi ng Barangay Kaong at dito na matagumpay na nasagip ang biktima.
Sa isinagawang imbestigasyon, isiniwalat ng biktima na dinakip siya ng pitong Filipino at dinala sa isang bahay.
Tinakpan aniya ang kaniyang mata at pinosasan saka siya dinala sa Barangay Kaong at pinaglakad sa madilim na bahagi ng Barangay Tibig kung saan siya nailigtas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.