Mahigit sa 1-M naiahon ng gobyerno mula sa kahirapan-DSWD
Inanunsiyo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na umaabot na sa mahigit 1.5 benipisaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang naiangat na mula sa kahirapan.
Ito ang ibinahagi ni Social Welfare Sec. Dinky Soliman base sa isinagawang second round ng Household Assessment for Listahanan o ang National Household Targeting System for Poverty Reduction.
Sinabi pa nito na ang bilang ay kumakatawan sa 36 porsiyento ng kabuuang 4.2 milyong aktibong nakikinabang sa pantawid pamilya.
Ngunit binanggit din ni Soliman sa 4.5 porsiyento na nagbago ang status sa ‘non-poor’ ang may posibilidad pa rin na bumalik sa kahirapan dahil sa kalamidad at sa sinasabi nilang ‘economic shocks.’
Aniya kung ikukunsidera ang bilang ng mga kalamidad na tumama sa bansa nitong mga nakalipas na taon, kailangan pa rin na ipagpatuloy ang pagbibigay tulong sa kanila para hindi na sila muling maging mahirap.
Base pa rin sa isinagawang 2nd assessment, sa 16.7 milyong pamilya, halos isang milyon pa ang nanganganib na maghirap o maging mahirap.
Paglilinaw naman ni Soliman na ang kanilang datos ay hindi ang opisyal na bilang ng mga mahihirap na Filipino at aniya ang official poverty statistics ay nagmumula sa Philippine Statistics Authority.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.