Araw ng drug lords at protector ng droga, malapit nang magwakas – Rep. Barbers
Malapit nang magwakas ang araw ng drug lords at mga nagkakanlong at protektor ng iligal na droga sa bansa.
Ito ang babala ni House Committee on Dangerous Drugs Chairman at Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers kasunod ng pagpasa sa House Bill 7814 o ang pag-amyenda sa Republic Act 9165 o Dangerous Drugs Act of 2002 sa Kamara.
Sinabi pa ni Barbers na kahit mula noong 2002 na naisabatas ang RA 9165 ay wala ring naitalang naaresto, kinasuhan o na-convict na drug protector o financier.
Batay pa sa report ng Philippjne Drug Enforcement Agency o PDEA, sa 6,704 accused, 5,860 dito ang dismissed ang kaso sa lebel ng prosecutors at enforcers habang sa 13,708 drug cases, 12,440 dito ang acquitted o napawalang kaso sa korte.
Tinukoy ng mambabatas na inamin mismo ng PDEA na mula 2013 hanggang sa kasalukuyan ay wala pa silang naitatalang personalidad o indibidwal na naaresto o nakasuhan sa korte dahil sa pagiging coddler o protector at financier ng pinaghihinalaang drug lords.
Ito aniya ang dahilan kaya puspusan ang Kamara na mapagtibay at tuluyang maipasa ang panukala na nagaamyenda sa ilang probisyon ng batas.
Kabilang sa amyenda na sa tingin ng kongresista ay makakatulong para masawata ang iligal na droga sa bansa ay ang pag-oobliga sa mga operatiba na magsuot ng body cameras at maglagay ng dash cams sa kanilang anti-drug operations; pagpaparusa sa lessors o landlords na nagpapaupa ng pag-aari para gawing laboratoryo o drug dens; kustodiya at disposition ng mga nakumpiskang ebidensya; “planting of evidence”; at legal presumptions laban sa protectors o financiers ng drug lords.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.