14 na volcanic tremor naitala ng Phivolcs sa Bulkang Taal sa loob ng 24-oras
Nakapagtala ng 14 na volcanic tremor sa Bulkang Taal sa nakalipas na 24 na oras.
Ayon sa Phivolcs, tumagal ang nasabing pagyanig ng isa hanggang apat na minuto.
Mayroon ding naitala ang ahensya na mahinang pagsingaw mula sa mga fumaroles o gas vents sa Main Crater.
Nakasaad sa abiso ng Phivolcs na uling nasukat sa lawa ng Main Crater ang mataas na temperatura na 74.6ºC noon pang ika-18 ng Pebrero at acidity na may pH 1.59 noong ika-12 ng Pebrero ng kasalukuyang taon.
“Ang sukat ng pamamaga ng bulkan gamit ang electronic tilt sa Volcano Island ay nagtala ng bahagyang pag-impis ng paligid ng Main Crater mula pa noong Oktubre 2020, bagama’t may marahan at patuloy na pamamaga and kalakhang Taal batay sa sukat ng continuous GPS matapos ang pagsabog noong Enero 2020,” sabi pa sa abiso ng Phivolcs.
Nakataas pa rin naman ang Alert Level 1 sa bulkan.
Pinaaalahanan ng ahesnya ang publiko na sa ilalim ng Alert Level 1, ang steam-driven o phreatic na pagputok, volcanic earthquake, bahagyang abo at mapanganib na ipon o pagbuga ng volcanic gas ay maaaring biglaang maganap at manalasa sa mga paligid ng Taal Volcano Island o TVI.
Dahil dito, mahigpit na ipagbawal ang pagpasok ng sinuman sa TVI, na siyang Permanent Danger Zone o PDZ ng bulkang Taal, lalung-lalo na sa bahagi ng Main Crater at ng Daang Kastila fissure.
Ang mga lokal na pamahalaan naman ay hinihikayat na patuloy na suriin at panatilihin ang kahandaan ng mga dati nang inilikas na barangay sa paligid ng Lawa ng Taal kung sakali mang magkaroon ng panibagong pag-aalboroto ang bulkan.
Pinaiiwas din ng ahensya ang mga piloto sa paglipad malapit sa bulkan dahil sa naglilipanang abo at umiitsang bato na maaaring idulot ng isang biglaang pagputok ng bulkan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.