21 senador sumang-ayon sa pagpapaliban ng dagdag kontribusyon sa SSS
Walang senador ang tumutol sa panukalang hinihiling ang hindi na muna pagtaataas ng kontribusyon ng mga miyembro ng Social Security System (SSS).
Sa botong 21-0, lumusot na sa third and final reading ang Senate Bill 2027 na magbibigy kapangyarihan kay Pangulong Duterte na pigilan ang dagdag kontribusyon sa loob ng anim na buwan.
Higit na binigyan pansin ng mga senador ang hirap na dinaranas ng maraming Filipino dahil sa pandemya dala ng coronavirus.
Milyon-milyon ang nawalan ng trabaho at kabuhayan, gayundin maraming negosyo ang kinailangan magsara.
“Kailangan nating masigiro na nababawasan ang gastusin ng ating mga kababayan para makaahon sa pandemya,”sabi ni Sen. Sherwin Gatchalian.
Ayon naman kay Sen. Richard Gordon dapat ay malubo ang ibinibigay na tulong-pinansiyal sa mga Filipino bagamat aniya kailangan din ikunsidera ang kondisyon ng pondo ng SSS.
Base sa RA 11199 dapat ay may isang porsiyentong pagtaas sa kontribusyon sa SSS mula ngayon taon hanggang 2025.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.