Sen. Bong Go: Mga taga-media dapat isama sa priority list sa national vaccination program
Sinabi ni Senator Christopher Go na dapat ay maikunsidera din sa priority list ng national COVID 19 program ang mga miyembro ng media matapos ang mga medical frontliners at ang mga nasa itinuturing na vulnerable sectors ng lipunan.
Katuwiran ni Go, maituturing na frontliners din ang mga mamamahayag dahil tulad ng ibang frontliners isinusugal din nila ang kanilang kaligtasan para maihatid sa sambayanan ang mga kinakailangan na impormasyon ukol sa pandemya.
“Ang mga media para sa akin po ay maituturing din pong napakaimportanteng sektor ng lipunan dahil para na rin po kayong frontliners dahil kayo ang nagdadala ng balita, kung ano ang dapat gawin sa lugar, kayo ang na-expose,” sabi ng senador.
Kayat aniya nararapat lang na maisama sa mga prayoridad sa bakuna ang mga nasa industriya ng pamamahayag.
“So, dapat po ang media ay bigyan din ng prayoridad ‘pag andyan na ang safe at epektibong vaccine para tuloy-tuloy din po ang inyong pagtatrabaho, pagko-cover at pagdadala ng balita sa ating mga kababayan,” sabi pa ni Go.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.