Pagkakaroon ng digital 2021 Bar Exams, aprubado na ng Supreme Court
Inaprubahan na ng Supreme Court ang pagkakaroon ng digitalized, localized at proctored modality para sa 2021 Bar Examinations.
Sa inilabas na Bar Bulletin ng Supreme Court, nakasaad na ito ay matapos ang isinagawang Mock Bar Examinations noong katapusan ng Enero sa Metro Manila, Baguio, Cebu at Davao kung saan 80 estudyante ang lumahok.
Nakasaad sa abiso ng korte na maaaring isagawa ang local testing sa law schools at iba na susuriin at sesertipikahan ng korte base sa mga matatanggap na proposal.
Matapos maitalaga ang local testing sites ay saka pa lamang ia-anunsyo ang guidelines para sa pagtanggap ng aplikasyon para sa mga kukuha ng Bar Examinations na magsisimula sa buwan ng Mayo.
Hindi katulad ng nakaugalian, ang paghahain ng aplikasyon ay gagawin sa pamamagitan ng Online Application System kaya hindi na kailangan ng law graduate na magtungo sa Office of the Bar Confidant sa Maynila.
Maaari lamang pumunta ng aplikante kung may kailangang beripikahin sa ‘authenticity’ ng mga inihain nitong dokumento.
Kailangan ding magdala ng sariling laptop ang Bar examinees na maaaring komunekta sa Wi-Fi at pasok sa minimum requirements.
Gayunman, iginiit sa Bar Bulletin na bagama’t digitalized ang pagsusulit ito ay proctored pa rin o kailangang magtungo sa testing center ng kukuha ng pagsusulit.
Papayagan pa rin naman ang ‘handwritten’ kung mapatunayang mayroong ‘physical disability’ ang bar taker at hindi ito makakakuha ng pagsusulit gamit ang computer.
Mamarkahan din ng examiners ang Bar Examinations ‘digitally.’
Isasagawa ng pinakamahirap na pagsusulit sa bansa sa apat na linggo ng Nobyembre ng kasalukuyang taon.
Kabilang sa mga subject ay ang Political Law, Labor Law and Social Legislation, Civil Law, Taxation Law, Commercial Law, Criminal Law, Remedial Law at Legal Ethics.
Hindi nagkaroon ng 2020 Bar Examinations dahil sa nararanasang COVID-19 pandemic.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.