Liderato ni Speaker Velasco, hinamong ipasa ang panukalang pagbibigay ng P10,000 ayuda sa mga pamilyang Pilipino
Hinamon ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano ang kasalukuyang liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na bigyan ng halaga ang kanilang panukala upang bigyan ng P10,000 ang bawat pamilyang Pilipino.
Ayon kay Cayetano, kung ang nais ng liderato ni Speaker Lord Allan Velasco ay alisin ang kanilang pangalan sa panukala para lamang ito umusad ay handa naman sila.
Maaari aniyang palitan ang pangalan ng kanilang grupo sa panukala at ipalit ang nasa poder ni Velasco.
Hindi aniya ngayon ang panahon ng pulitika at ang kailangan ay mabigyan ng puhunan at tulong ang ating mga kababayan.
Handa rin, sabi ni Cayetano, na umupo sila sa kasalukuyang liderato ng Kamara at sa economic team ng administrasyon para maisulong ang kanilang panukala.
Bukod dito, kung mayroon aniyang counter-proposal ang grupo ni Velasco ay welcome ito sa kanila.
Bukas din si Cayetano na pagsamahin ang Bayanihan 3 at ang kanilang panukala basta masiguro lamang na maipasa ang pagbibigay ng ayuda sa mga pamilyang Pilipino.
Sinabi naman ni Camarines Rep. Lray Villafuerte na mayroong pondo na maaaring pagkunan nito dahil base sa website ng Department of Budget and Management, mayroong P204 bilyong unbalanced o hindi pa matiyak kung saan ilalagay hanggang noong December 31 ng nakalipas na taon.
Sa ilalim ng House Bill 8597 o Bangon Pamilyang PIlipino Assistance Program ng grupo ni Cayetano, bibigyan ng tig-P10,000 ang bawat pamilyang Pilipino o kaya ay P1,500 sa bawat isang miyembro ng pamilya, depende sa kung ano ang mas mataas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.