Pagpasa sa komite ng amyenda sa economic provisions ng Saligang Batas, inalmahan ng Makabayan bloc sa Kamara
Umalma ang Makabayan bloc sa Kamara sa pag-apruba ng House Committee on Constitutional Amendments sa amyenda sa economic provisions ng Saligang Batas.
Anila, hindi napapanahon ang Cha-Cha sa harap ng pandemyang dala ng COVID-19.
Ayon kay Deputy Minority Leader at Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, sa halip na ma-liberalize ang ekonomiya ng bansa ay magiging bukas lamang tayo sa kontrol ng mga dayuhan at matatamaan ang lokal na industriya.
Para naman kay ACT Teachers Rep. France Castro, masasabing hindi “happy” o masaya ang Constitution Day ng Pilipinas, araw ng Martes (February 2), dahil sa pag-apruba sa Resolution of Both Houses no. 2.
Napakasama aniya ng “timing” ng Cha-Cha dahil nasa kasagsagan ang bansa ng pandemya at mas inaalala ang epekto nito sa kanilang pamumuhay.
Dagdag ni Gabriela Rep. Arlene Brosas, hindi pwedeng isayaw sa Cha-Cha ang malubhang krisis at pandemya.
Ang Cha-Cha aniya ay hindi katiyakan na magkakaroon ng sapat na trabaho, dagdag-ayuda o libreng bakuna at sa halip ay lalakas lamang ang malalaking lokal at dayuhang negosyo sa bansa.
Para naman kay Kabataan Rep. Sarah Elago, ang Cha-Cha ng administrasyon ay magbibigay-daan lamang sa mas matinding pagkaubod ng likas na yaman ng Pilipinas, at pagbubukas daw ng puwang para sa amyenda sa mga politikal na probisyon gaya ng term limits at pag-uurong ng eleksyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.