Pagpapatupad ng ilang probisyon ng Child Safety in Motor Vehicles Act hindi pa napapanahon
Iginiit ni Ako Bicol Rep. Alfredo Garbin Jr. na hindi napapanahon ngayon ang implementasyon ng ilang probisyon ng Child Safety in Motor Vehicles Act.
Ayon kay Garbin, mas mainam kung ipagpapaliban ang papatupad ng batas partikular ang nagre-require ng car back seats para sa mga batang hanggang 12 anyos.
Katwiran ni Garbin, ang age range o edad ng mga Allowed Persons Outside of Residence (APOR)ay nananatili sa 15-anyos hanggang 65-anyos, makaraang baligtarin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang desisyon ng Inter-Agency Task Force na payagan ang mga batang hanggang 10-anyos dahil sa banta ng Covid 19.
Aniya hindi kailangan na maipatupad agad ang ilang probisyon ng Child Safety in Motor Vehicles Law dahil hindi naman pinapayagan sa labas ang bahay ang mga batang wala pang 15 anyos
Para kay Garbin, ang tamang panahon para ipatupad ang ilang probisyon ng batas ay kapag isinailalim na ang buong bansa sa Modified General Community Quarantine o MGCQ at kung makakasama na ang mga bata bilang mga APOR.
Dapat aniyang i-delay ng Department of Transportation (DOTr) ang ilang probisyon ng nabanggit na batas, at mag-adopt na lamang ng bagong resolusyon sakaling ipatutupad na ito.
Samantala, ipinapaalala ni Garbin sa DOTr at Land Transportation Office (LTO) na kailangan nitong magsumite sa Kongreso ng pag-aaral at rekumendasyon kung papaano ipatutupad ang Child Safety in Motor Vehicles Act sa mga public utility vehicles (PUVs).
Kailangan ding ikunsidera ng DOTr at IATF ang patuloy na epekto ng Covid 19 at community quarantines, lalo’t binuo at naging batas ang Child Safety in Motor Vehicles Act noong wala pang pandemya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.