SWEAP kumalas na sa grupong COURAGE

January 26, 2021 - 11:05 PM

Pormal nang bumitaw ang Social Welfare Employees Association of the Philippines (SWEAP-NATIONAL) bilang affiliated group ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (COURAGE).

Ang askyon ng nasabing labor union ay kasunod ng pagkakabilang ng COURAGE sa mga umano’y communist terrorist group (CTG) front organization.

Sa ilalim ng SWEAP-National Council Resolution No. 001 series of 2021 na inilabas ng SWEAP National, binanggit nito na 13 sa 17 council members/chapter presidents ay bumoto para tapusin ang relasyon, habang tatlo ang pabor na ituloy at isa ang abstain.

Tinukoy ni National Intelligence Coordinating Agency (NICA) Director-General Alex Paul Monteagudo sa Senate hearing kaugnay ng red-tagging noong Nobyembre 3 2020, na ang COURAGE kasama ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) at Alliance of Health Workers (AHW) ay front organizations ng CTG na lihim na nakakapasok sa pamahalaan.

Sa nasabing pagdinig ay nagpakita rin si Monteagudo ng video kung saan napanood si Communist Party of the Philippines (CPP) founder Jose Maria “Joma” Sison na binanggit ang Bayan bilang pinakamalaking umbrella organization ng CPP-NPA-NDF.

Tinukoy rin ni Monteagudo na ang COURAGE, ACT at AHW ay bahagi ng Bayan.

Ayon kay Monteagudo, binibigyan ng CTG ng espesyal na atensyon ang infiltration at united-front building sa hangarin nitong mapatalsik ang pamahalaan.

Para sa CPP-NPA-NDF, ang sektor ng pamahalaan ay mahalagang bahagi ng pangkalahatang layunin ng CTG sapagkat tulad ng kabataan, ang pampublikong sektor ay malaking pinagkukunan ng mga bagong miyembro upang suportahan ang mga aktibidad ng united front.

Binahagi rin ni Monteagudo ang pahayag ni Sison sa 20th anniversary ng COURAGE kung saan sinabi nito na “Mahalaga ang papel na ginagampanan at dapat gampanan ng kawani ng pamahalaan. Sila ang nag-uugnay sa mamamayan…upang tutulan ang mga patakaran ng opisyal at kilos ng gobyerno.”

Sa nasabing Senate hearing, iprinisinta ni Monteagudo ang ibinabando ng COURAGE na mayroon itong kabuuang 200 unions, associations, and federations at regional formations na kasapi at mass base ng halos 300,000 manggagawa mula sa national government agencies, local government units, state colleges and universities and government-owned and controlled corporations.

Sa kadahilanang ito, gayundin ang kahina-hinalang mga aktibidad ng COURAGE kaya nagdesisyon ang SWEAP National na pagdebatihan at pagbotohan ang affiliation nito sa pamamagitan ng mga miyembro ng National Council (NC) matapos ang Fourth Quarter National Council meeting noong Disyembre 16, 2020.

Sa dalawang pahinang resolusyon, sinabi ng SWEAP National na ang pakiki-ugnayan nito sa COURAGE ay naging kwestyunable sa nagdaang mga taon dahil sa koleksyon ng mga bayad at paggamit nito sa mga aktibidad hanggang sa serbisyong naipagkakaloob sa kanilang mga miyembro.

Inihayag ng SWEAP National sa resolusyon na ang mga isyu ay humantong sa “clamor” ng mga miyembro ng asosasyon kabilang ang mga miyembro ng National Council na umabot sa talakayan at pagtitimbang ng mga affiliation.

Isinagawa ang isang forum kasama ang COURAGE (SWEAP Kaalaman) noong Enero 8, 2021 at ang learning debate (special National Council meeting) nitong Enero 24 upang matiyak ang pantay, balanse ang fact-based na desisyon.

Dahil dito, ang SWEAP bilang national employees’ association of the Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay nararapat na bawiin o pawalan ng bisa ang SWEAP National Council Resolution No. 00-007, series of 2000 at ihinto ang pagbibigay ng monthly dues sa COURAGE. Ang resolution na nagtatanggal ng SWEAP National’s affiliation sa COURAGE ay nilagdaan ng National Council noong Enero 21, 2021.

Ang mga miyembro ng grupo ay kinabibilangan nina SWEAP National President/NCR Chapter Alan Balaba; SWEAP Chapter President Fo I Glynnis Casuga; SWEAP Chapter PResident FO II Dulceneah Lyra Dela Cruz; SWEAP Chapter President FO III Thea Maria Rica Del Rosariol; SWEAP Chapter President FO IV-A Joseph Constantine Arceo; SWEAP Chapter President FO IV-B Josephine Macalagay; SWEAP Chapter President FO V Juvy Pasano; SWEAP Chapter President FO VI Clarence Darryl Alfuente; SWEAP Chapter President FO VII Brigieda Goron; SWEAP Chapter President FO VIII Federico Pagayanan; and SWEAP Chapter President FO IX Fe Dela Cruz.

Ang SWEAP National at lahat nitong chapters ay naging affiliated sa COURAGE mula 2000 sa pamamagitan ng SWEAP National Council Resolution No. 00-007.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.