Grupo ng OFWs, suportado ang panukalang batas ni Sen. Go na pagtatatag ng DOFIL
Mahigit 350 overseas Filipino workers mula sa iba’t ibang grupo sa Asya, Europe, Middle East at North America ang dumalo sa idinaos na online forum na inorganisa ng United Filipino Global.
Layon ng forum na itaas ang kaalaman hinggil sa kung paanong mas mapoprotektahan pa ang karapatan ng mga Filipino sa ibang bansa.
Sa nasabing forum, nagpahayag din ng suporta ang grupo sa Bill No. 1949 ni Sen. Bong Go na layong magtatag ng Department of Overseas Filipinos.
Bilang panauhing pandangal sa nasabing forum, sinabi ni Go sa kaniyang pahayag na mahalagang magkaroon ng departmento na tututok sa proteksyon ng mga OFW na bumubuo na sa 10 porsyento ng populasyon ng bansa.
“Ito po ang gusto naming maibigay sa inyo sa pamamagitan ng pagtatayo ng DOFil. Around 10% na kayo ng populasyon natin kung kaya’t dapat lang na mayroong iisang departamento na tututok sa inyong interes at mga pangangailangan,” ayon kay Go.
Sinabi ni Go na tama lang na magkaroon ng sariling departamento ang mga OFW lalo at napakalaki na ng kanilang bilang.
Binanggit din ni Go ang naging epekto ng COVID-19 pandemic sa mga OFW kung saan marami ang nawalan ng trabaho.
“Mga nakaraang buwan tinamaan tayo ng pandemya na hindi natin inaasahan. Napakarami pong OFWs natin na talagang naghirap kahit saan na lang sila nananawagan sa radyo, sa Facebook, at … sa TV. Minsan ang dami pong tumatawag sa akin,” dagdag ni Go.
Sa ganitong pagkakataon, ayon kay Go, mahalagang mayroong isang departamento at Cabinet-level na secretary ng umaasikaso sa pangangailangan ng mga OFW.
Noong December 14, 2020, inihain ni Go ang Senate Bill no. 1949 na layong magkaroon ng streamlining sa mga organisasyon at trabaho ng lahat ng government agencies na mayroong kaugnayan sa overseas employment at migration.
Layon ng ‘Department of Overseas Filipinos Act of 2020’ na agad matugunan ang problema at hinaing ng mga OFW.
Sinertipikahan ang panukala ilang urgent ni Pangulong Rodrigo Duterte at kabilang na sa top 20 priority bills sa dalawang kapulungan ng Kongreso.
“This is unprecedented … Alam ko po ito ang isang bagay kung bakit natutuwa at minamahal ng bawat migrante Pilipino ang Pangulo. Wala pong Pangulo ang gumawa niyan na every time magko-conduct ng State of the Nation Address hindi po nakakalimutan ang pagsulong sa isang departamento o sariling bahay para sa amin,” ayon kay JJun Aguilar ng Filipino Migrant Workers group.
Sinabi naman ni Lucy Sermonia, pinuno ng isang recruitment agency, nais nilang magkaroon ng sariliing departamento para sa OFs para mabigyan ng prayoridad at importansya ang kanilang mga isyu.
“Kami ay isa sa inyo na sumusuporta sa bill ng mahal na Senador. Hangad namin ang magkaroon ng sariling department ang overseas Filipinos upang mabigyan ng prayoridad at importansya ang issues at concerns ng ating OFWs,” ayon kay Sermonia.
Sa ilalim ng panukala, ang DOFil ay dapat buuin ng Office of the Secretaryat apat na Offices of the Undersecretaries, na kabibilangan ng Administration and Finance, Foreign Employment, Assistance to Overseas Filipinos in Distress, and Policy and International Cooperation at Special Overseas Filipino Concerns.
Ia-absorb ng bubuoing departmento ang Office of the Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs ng DFA, Social Welfare Attaches Office sa ilalim ng Department of Social Welfare and Development, International Labor Affairs Bureau ng Department of Labor and Employment, at ang Commission on Overseas Filipinos.
Kasama ding ia-absorb ang OWWA at ang POEA at magsisilbing attached agencies.
Inaatasan din sa ilalim ng panukala ang pagbuo ng Overseas Filipinos Malasakit Centers sa buong bansa para sa mabilis na paghahatid ng serbisyo sa mga OFWs at kanilang pamilya.
“Tinuturing natin silang mga bagong bayani. Hindi mapapalitan ang hirap at sakripisyo na mawalay sa pamilya para lang mabigyan ng mas magandang kinabukasan ang kanilang mga mahal sa buhay. Gawin natin ang lahat para maalagaan sila,” ani Go.
Sinabi ni Go na kinausap na niya ang mga kapwa senador upang hingin ang tulong na ang panukalang batas ay maging katanggap-tanggap sa lahat.
“Rest assured na ipaglalaban ko kayo. Alam niyo, malapit sa puso namin ni Pangulong Duterte ang lahat po ng mga OFWs … Alam kong mas nanaisin niyo pang manatili dito sa ating bansa rather than mapalayo sa inyong pamilya. Pero kailangan niyo magtrabaho sa ibang bansa kaya siguraduhin natin na mayroon kayong isang departamentong maasahan at malalapitan niyo,” dagdag pa ni Go.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.