DOH, Quiapo Church hinikayat ang mga deboto na magdasal sa bahay
Hinikayat ang publiko ng Department of Health (DOH), kasama ang Healthcare Professionals Alliance Against COVID-19 (HPAAC) at Minor Basilica of the Black Nazarene (Quiapo Church), na huwag nang bumisita sa Quiapo Church sa pagdaraos ng Pista ng Poong Itim na Nazareno.
Ito ay bunsod ng nagpapatuloy na banta ng COVID-19.
Sa kabila ng kanselasyon ng Traslacion 2021, inaasahan pa rin ng mga opisyal ng Quiapo Church na dadagsa pa rin ang mga deboto para makita ang imahe ng Itim na Nazareno.
Ayon kay Reverend Monsignor Hernando Coronel, maaaring magdasal ang mga deboto bilang isang pamilya sa loob ng kani-kanilang tahanan.
“Marami rin pong mga parokya sa National Capital Region at kalapit na mga probinsya na nagdiriwang ng novena at fiesta masses, kaya hindi naman tayo kailangan talaga pumunta sa simbahan ng Quiapo,” pahayag nito.
Babala naman ni Dr. Anna Ong-Lim ng HPAAC, “Puwede itong ma-characterize as a superspreader event dahil magkakaroon tayo ng mass gathering sa konteksto na nagaabang tayo ng surge, at nandiyan din ang concern about the UK variant.”
Humiling din ang DOH sa mga pamilya na dumalo na lamang ng online masses na oras-oras isasagawa at mapapanood sa Facebook page ng Quiapo Church.
Narito ang paalala ng kagawaran para sa mga planong pisikal na dumalo sa misa:
– Tiyaking may proper ventilation sa lugar
– Sundin ang physical distancing na hindi bababa sa isang metro
– Magsuot ng face mask at face shield
– Saglit lamang bumisita
– Maghugas o mag-sanitize ng kamay
– Sundin ang health protocols na ipinatutupad ng simbahan at lokal na pamahalaan
– Kanselahin ang planong pagbiyahe kung may nararamdamang sintomas ng COVID-19
“Huwag nating hayaang mapasukan ng COVID-19 ang pagdiriwang ng paniniwala sa itim na Nazareno ng ating mga kababayang deboto. Kumilos tayo ng iisa upang tuluyan nating matiyak na ang ating pananampalataya ay naipagdiriwang natin ng lubos at ligtas,” pahayag ni Health Secretary Francisco Duque III.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.