IATF muling pupulungin ngayong araw ni Pangulong Duterte dahil sa bagong variant ng COVID-19
Muling ipatatawag ngayong araw ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga miyembro ng Inter Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases.
Ito ay para talakayin kung ano ang gagawin ng pamahalaan sa bagong variant ng COVID-19 na unang naitala sa United Kingdom.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, kabilang sa mga ipatatawag ng pangulo ang mga eksperto sa larangan ng medisina.
Tatalakayin din aniya ang bagong quarantine classification sa buong bansa dahil patapos na ang buwan ng Disyembre.
“Well, sigurado po diyan iyong klasipikasyon ng buong bansa, dahil patapos na ang Disyembre at kinakailangan desisyunan ng Presidente kung ano ang magiging klasipikasyon, lalung-lalo na dito sa Metro Manila at sa karatig na lugar ‘no. At bukod pa po doon kung mayroon pa pong mga ibang bagay na dapat talakayin na hindi natalakay kahapon pagdating po dito sa bagong strain ng COVID,” ayon kay Roque.
Higit na tutukan aniya ang Metro Manila at mga karatig lugar.
Una rito, pinalawig pa ng dalawang linggo ang travel ban ng Pilipinas sa United Kingdom.
Sa halip na December 31, 2020, tatagal pa ang travel ban hanggang sa kalagitnaan ng Enero ng susunod na taon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.