Malalaking partido, inendorso ang kanilang mga pambato na mga lokal na kandidato
Bagaman noong Biyernes pa ang opisyal na simula ng kampanya ng mga lokal na kandidato para sa darating na halalan, Lunes na sila umarangkada sa panunuyo ng mga botante pagkatapos ng Semana Santa.
Sabay-sabay nag-simula ng pangangampanya ang mga lokal na kandidato sa malalaking lungsod sa Metro Manila, na kaniya-kaniya namang inendorso ng malalaking partido ng bansa.
Sa Makati City, dinagsa ng mga taga-suporta ng mga Binay at United Nationalist Alliance (UNA) ang proclamation rally ng mayoral candidate na si Abby Binay.
Sinamahan at sinuportahan siya ng pamilya, kasama na ang ama na si Vice President Jejomar Binay at mga kapartido sa UNA, tulad ng ka-tandem nito na si Sen. Gringo Honasan.
Sa Plaza Lawton naman sa Makati isinagawa ng kaniyang kalaban at kasalukuyang Mayor Kid Peña, na nanungkulan makaraang sibakin sa pwesto ng Ombudsman ang si dismissed Mayor Junjun Binay dahil sa mga anomalya sa pamamahala niya sa lungsod.
Pinangunahan naman ni Pangulong Benigno Aquino III ang procalamation rally ng nais manumbalik sa kaniyang dating posisyon bilang alkalde ng Maynila na si Alfredo Lim.
Kasama ang iba pang pambato ng Liberal Party (LP) tulad ng kanilang presidential candidate na si Mar Roxas at vice presidential candidate Rep. Leni Robredo, inendorso ni Pangulong Aquino si Lim.
Si Manila Mayor at dating Pangulong Joseph Estrada naman ay inendorso bilang kaniyang presidential candidate si Sen. Grace Poe, habang ang kaniya namang pambato sa pagka-bise presidente ay si Sen. Bongbong Marcos.
Sinamahan rin ni Robredo na mula pa sa proclamation rally sa Maguindanao, ang ilang kapartido sa pag-endorso nila sa mga lokal na kandidato sa Quezon City.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.