Pamamaslang ng isang pulis sa mag-ina sa Tarlac, kinondena ng Makabayan bloc sa Kamara
Nagpahayag ng mariing pagkondena ang Makabayan bloc sa Kamara sa karumal-dumal na pagpatay ng isang pulis sa mag-ina sa Paniqui, Tarlac.
Ayon kay Deputy Minority Leader at Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, nagiging kultura ang police brutality dahil sa paglala ng impunity sa bansa.
Mahirap aniya na ituring na isolated incident ang pamamaslang sa mga Gregorio dahil naging talamak na ang “kill, kill, kill culture” sa hanay ng mga pulis ngayong taon.
Naniniwala naman si Bayan Muna Rep. Eufemia Cullamat na malaking dahilan sa mga maling gawi ng mga pulis ang patuloy na pagtatanggol at pagtatakip sa mga ito ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Aniya, nagiging malakas ang loob ng mga pulis na gumawa ng krimen bunsod ng paniniwala na mayroon silang proteksyon at kaya nila itong lusutan.
Iginiit pa ng mga mambabatas ang agad na pagpaparusa sa pulis na si Nuezca at ang agad na pagbibigay hustisya sa mga pinaslang nitong biktima.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.