Planong pagbuhay ng Anti-Subversion Law sinopla ng Makabayan bloc sa Kamara
Pumalag ang MAKABAYAN Bloc sa Kamara sa planong pagbuhay ng anti-Subversion Law kasunod ng ginawang paghahain ng panukala tungkol dito ng Duterte Youth Partylist.
Ayon kay Kabataan Rep. Sarah Elago, ang paghahain ng Duterte Youth ng Anti-Subversion Act ay isang malaking sampal para sa mga naging biktima ng diktaturyang Marcos, extra-judicial killings at sa mga nasampahan ng mga gawa-gawang kaso.
Tinawag naman ni ACT-TEACHERS Partylist Rep. France Castro ang Duterte Youth na mistulang mouthpiece sa mga agenda ng administrasyon dahil wala pa aniyang inihain ang grupo sa Kamara na panukala patungkol sa kapakanan at concerns ng mga kabataan na kinakatawan dapat ng partido.
Para naman kay Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite, nais lamang ng panukala na gawing lehitimo ang red-tagging sa mga kritiko ng pamahalaan matapos na wala namang maipakitang matibay na ebidensya sa Senado laban sa mga pinaghihinalaang front ng NPA.
Binigyang diin naman ni Gabriela Rep. Arlene Brosas na kahit maisabatas muli ang anti-Subversion Law ay hindi nito mareresolba ang ugat ng armed-conflict sa bansa.
Sa House Bill 8231 o “Anti-CPP-NPA-NDF Act of 2021” na inihain ni Duterte Youth Partylist Rep. Duciel Cardema, layunin na i-outlaw o ituring na bandido at labag sa batas ang CPP-NPA-NDF kasama na ang lahat ng mga organisasyon na sumusuporta sa mga ito.
Pinawalang bisa noong 1992 ang Anti-Subversion Law matapos na gamitin ang batas sa paglabag sa mga karapatang pantao noong panahon ng dating rehimeng Marcos.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.