Paninindigan sa magandang kinabukasan ang Easter Message ni PNoy
Kanya-kanyang mensahe ang matataas na lider ng bansa kaugnay sa pagdiriwang ng Pasko ng Pagkabuhay o Easter Sunday, pero may halong pahayag ang mga ito kaugnay sa nalalapit na May 9 elections.
Sa mensahe ni Pangulong Noynoy Aquino, ipinaalala nito sa mga pilipino ang naging ‘achievements’ ng Daang Matuwid na aniya’y nagdala ng positibong pagbabago para sa bansa.
Binigyang-diin ni Pnoy na kailangang maituloy ang daang matuwid sa pamamagitan daw ng kanyang napiling successor, si Liberal Party standard bearer Mar Roxas.
Hinimok pa ng Presidente ang taumbayan na manindidgan para sa mas magandang kinabukasan.
Sa Easter Message naman ni Vice President Jejomar Binay, sinabi nito na gawing inspirasyon ang pasyon at sakripisyo ni Hesu Kristo upang harapin ang mga suliranin nang may pananalig at pag-ibig.
Gayundin ang pananalig sa mas magandang kinabukasan para sa 26 milyong Pilipino na nananatiling mahihirap; pananalig para sa kapangyarihan ng mga tao na gumawa ng kani-kanilang kapalaran; at pagmamahal sa bayan na lumaban sa paniniil.
Dagdag ng Bise Presidente, marapat na ibahagi ang mga blessing mula sa panginoon sa mga labis na nangangailangan, ‘underprivileged at misunderstood’, maging sa mga kalaban.
Sana rin daw ay maliwanagan ang mga lider ng bansa sa payo ni Pope Francis na ang mga namumuno ay kailangang may malalim na pagmamahal sa mga tao at marunong makinig at matuto mula sa mga ito.
Huli, sinabi ni Binay sa lahat na ipagdasal ang kalinawan ng pag-iisip para sa darating na halalan.
Ayon naman kay House Speaker Feliciano Belmonte Jr., ang Pasko ng Pagkabuhay ay isnag paalala sa ating lahat na may pagkakataon ang bawat isa na makamit ang pagbabago.
Nawa’y gamitin ang hatid ng pasko ng pagkabuhay upang magpasalamat sa natamong demokrasya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.