Pag-usad ng Cha Cha isinulong ng isang kongresista

By Dona Dominguez-Cargullo December 15, 2020 - 12:00 PM

Kinakailangan nang umusad ang Cha Cha talks ayon kay Quezon 2nd District Rep. David Suarez.

Sa kaniyang privilege speech sa plenaryo sa Kamara, sinabi ni Suarez na para maisakatuparan ang pagkakaroon ng “better normal” sa bansa, kinakailangan ang pagkakaroon ng “better Constitution”.

Mas kailangan aniyang pag-usapan na ang Charter Change lalo pa at ilang kalamidad na ang nagdaan at mayroon pa ring pandemya ng COVID-19.

“I want to take the opportunity to talk about Constitutional Reform. It is an issue that we need to tackle in order to help our country build back better. It is even more critical to talk about it now that we are facing the devastating effects of multiple calamities and disasters, on top of a global pandemic,” ani Suarez.

Ito na aniya ang tamang panahon para pag-usapan ang Constitutional reform.

“Kailan nga ba ang tamang panahon upang pag-usapan ang isyung ito? ‘Pag natapos na ang pandemya? Magiging chicken and egg lang ho iyong usapan – sinasabi na huwag pag-usapan ang reporma sa Saligang-Batas hangga’t may krisis, pero hindi ba mas mabilis at maayos ang pagtapos sa krisis kung maitatama ang kakulangan ng sistema?” dagdag ng mambabatas.

Ayon kay Suarez, hindi pangkaraniwan ang dinaranas ngayon ng bansa at nangangailangan din ito ng hindi pangkaraniwang solusyon.

“If the Local Government of 1991 is a safety mechanism to decentralize powers from the national government to local government units, then Constitutional reform is a focal extension of that pursuit of power-decentralization,” sinabi pa ni Suarez.

Ipinunto ni Suarez ang pag-institutionalize sa Mandanas ruling para matulungan ang mga local government units (LGUs) at matiyak na ang Internal Revenue Allotment mula sa national taxes.

Kailangan aniya ngayon ng LGUs ng mas mataas na pagkukuhanan ng pondo para makatugon sa pandemya ng COVID-19.

“Matagal na rin ho ang panawagan for greater regional development. Napakaraming pag-aaral na ho mula sa ating mga eksperto ang nagpatunay na fiscal decentralization is the start of even, inclusive, and equitable development,” paliwanag ni Suarez.

Ayon pa kay Suarez, kung pag-aaralan ang standing ng Pilipinas sa Asean pagdating sa foreign direct investments ay napag-iiwanan na ang bansa.

Ito ay dahil aniya sa economic at constitutional restrictions sa mga dayuhang mamumuhunan.

“Tingnan rin ho natin ang ating standing compared to our immediate neighbors in the Asean. Huling-huli tayo sa FDIs (foreign direct investments) na malaking tulong sana para mapalakas ang ating ekonomiya. Iyong malaking decline ay dahil ho mismo sa ating economic and constitutional restrictions,” sabi ng mambabatas.

Ayon kay Suarez batay sa 2020 World Investment Report ng United Nations Conference on Trade and Development, ang FDI ng Pilipinas ay bumaba sa $5 billion noong 2019 mula sa $6.6 billion noong 2018.

Katumbas aniya ito ng 24% na pagbaba sa investments at nangangahulugang nasa $1.6 billion o P77 billion ang nawala sa bansa.

Ipinunto rin ni Suarez ang kawalan ng trabaho ng aabot sa dalawang milyong Filipinos at kagutuman na nararanasan ng isa sa bawat tatlong Filipino.

Sa kabila ng pagsusulong Cha Cha, sinabi ni Suarez na kailangan pa ding maging maingat ang mga mambabatas sa pagtalakay dito.

Aniya, “We must pursue reforms to protect our own interests as a nation, but these interests will not be realized if we always shut down the discussion on charter change as if it is an unspeakable and absolute evil.”

 

 

 

TAGS: Breaking News in the Philippines, Cha-Cha, David Suarez, House of Representatives, Inquirer News, Philippine News, Quezon, Radyo Inquirer, Tagalog breaking news, tagalog news website, Breaking News in the Philippines, Cha-Cha, David Suarez, House of Representatives, Inquirer News, Philippine News, Quezon, Radyo Inquirer, Tagalog breaking news, tagalog news website

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.