Panukala upang palawigin ang Bayanihan 2, inihain sa Kamara
Isinusulong sa Kamara ang panukala upang palawigin ang bisa ng Bayanihan 2 o Bayanihan to Recover as One Act hanggang sa susunod na taon.
Sa ilalim ng House Bill 8099 ay pinapalawig hanggang March 27, 2021 o hanggang sa susunod na session adjournment ng Kongreso ang validity o bisa ng Bayanihan 2.
Layon ng panukala na tuluy-tuloy ang paghahatid tulong sa mga Pilipino at matiyak ang pag-ahon ng ekonomiya ng bansa sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Nakasaad sa panukala na batay sa naging report ng ehekutibo sa Kongreso, nagkaroon ng delay sa pagpapalabas ng pondo sa ilalim ng Bayanihan 1 at 2 para sa mga programa at proyekto na ayuda sana para sa mga apektado ng pandemiya.
Sakop ng extension para sa paglalabas ng pondo sa ilalim ng Bayanihan 2 ang automatic appropriations sa mga programa at proyekto sa ilalim ng batas at ng 2020 General Appropriations Act, gayundin ang release ng pondo para sa mga COVID-19 response and efforts ng local government units (LGUs), government financial institutions (GFIs), at standby fund.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.