Mapipilitang gumastos ang pamahalaan ng hanggang sa 16-bilyong piso kung isusulong ang paggamit ng ‘hybrid’ o ang magkahalong automated at manual na paraan ng botohan sa susunod na taon.
Ito ang isiniwalat ni Comelec Chairman Andres Bautista sa pagharap nito Miyerkules ng umaga sa kauna-unahang ‘Meet the Inquirer Multimedia’ forum.
Sa paliwanag ni Bautista, sinabi nito na ang bulto ng gastos sa ‘hybrid’ election ay mapupunta sa labor cost dahil mangangailangan ng mas maraming mga guro na magsisilbing mga Board of Election Inspector na gugugol ng mas maraming oras sa sa araw ng botohan.
Bukod pa dito ang pangangailangan ng mga laptop computer para sa bawat presinto at mga CCTV na ikakabit sa mga voting precinct.
Ang 16 billion pesos ay doble aniya sa gagastusin ng gobyerno at mas mura na kumpunihin na lamang ang mga dati nang nabili ng Comelec na Precinct Count Optical Scan (PCOS) Machine.
Sa ilalim ng Hybrid system o Precinct Automated Tallying System (PATaS), pagsasabayin ang manu-manong pagbibilang ng boto at ang automated na canvassing at transmission ng mga resulta ng botohan.
Mas magiging praktikal aniya ang pagrerefurbish ng mga PCOS machine dahil aabot lamang sa 3 hanggang 4 na bilyong piso ang presyo ng refurbishment ng may 82 libong makina./ Jay Dones
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.