Muli na namang nagkasagupaan ang mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at mga pwersa ng pamahalaan sa bayan ng Datu Salibo sa Maguindanao, Martes ng umaga.
Ayon sa tagapagsalita ng 6th Infantry Division ng Army na si Capt. Jo-Ann Petinglay, nagsasagawa ng security operations ang mga sundalo sa Sitio Balas sa Brgy. Tee nang atakihin sila ng BIFF dakong alas-10:20 ng umaga.
Inatake aniya ng nasa 30 armadong miyembro ng BIFF ang mga sundalo, na naging hudyat para makipag-palitan na ng putok ang mga ito.
Kinumpirma naman ni BIFF spokesperson Abu Misri Mama ang nasabing pag-atake, at sinabing hindi nila titigilan ang mga ito kung hindi rin ititigil ng mga sundalo ang panghihimasok sa kanilang teritoryo.
Tumagal ng 40 minuto ang bakbakan hanggang sa umatras na ang mga rebelde.
Ani Petinglay, wala namang naitalang nasawi o nasugatan sa magkabilang panig.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.