Publiko binalaan ni Senator Bong Go sa kumakalat na “fake news” tungkol sa holiday lockdown
Nagbabala si Senator Christopher “Bong” Go sa publiko sa mga pekeng balitang kumakalat sa social media na nagsasabing magkakaroon ng nationwide lockdown para sa holiday season.
Payo ni Go sa publiko huwag basta-basta maniwala sa mga ipinakakalat na impormasyon lalo na kung galing ito sa “unverified sources”.
“Sa mga kababayan ko, ‘wag kayo maniwala sa sinasabing lockdown na fake news. Makinig lang kayo sa mga authorized sa gobyerno, sa mga authorized spokes(persons) po kung kelan at ano po ang ating quarantine classification,” ayon Go.
Binatikos din ni Go ang mga nagpapakalat ng pekeng impormasyon tungkol sa lockdown.
“Ang nagpapakalat ng fake lockdown, i-lockdown n’yo muna ang sariling bunganga n’yo. ‘Di kayo nakakatulong,” ayon sa senador.
Una nang nagbabala din si National Task Force on COVID-19 (NTF) spokesperson retired Gen. Restituto Padilla sa publiko na tiyaking i-verify muna sa ang mga ipinakakalat na impormasyon.
Sinabi naman ni Presidential spokesperson Harry Roque, na peke ang mga balitang magpapatupad ng Christmas lockdown.
Samantala, sinabi ni Go na maliban kina Department of Health Secretary Francisco Duque III at vaccine czar Presidential Adviser Carlito Galvez, Jr., si Pangulong Rodrigo Duterte ay handang maunang magpaturok ng COVID-19 vaccine.
Ito ay para maipakita sa publiko ang kaligtasan nito.
“Gaya ng sinabi ni Pangulong Duterte noon, very much willing siyang manguna para patunayan sa Pilipino na ito ay safe na. Pero unahin muna natin na ito ay talagang i-dineklara na ng FDA (Food and Drug Administration) na safe bago natin iturok sa mga Pilipino,” ayon kay Go.
Prayoridad na mabigyan ng bakuna ang mga mahihirap, vulnerable sectors gaya ng frontliners, kabilang ang medical workers, uniformed personnel at mga guro.
Isinasapinal na ayon kay Go ang pondo para maipambili ng bakuna.
“Ngayon po, pina-finalize pa po. Meron pong nakalaan para sa vaccine bagama’t kulang po talaga ito. Definitely kulang talaga ang inilaan sa ating national budget kaya nga po merong iba’t ibang paraan ang gagawin ng gobyerno, direct purchase, pwedeng mag-loan sa World Bank at ADB (Asian Development Bank), pwede ring tripartite sa mga businesses,” paliwanag ni Go.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.