Bilyong infra funds ng DPWH iimbestigahan ng PACC; mga dawit ng kongresista tutukuyin

November 25, 2020 - 10:58 AM

Kasunod ng expose ni Sen Panfilo Lacson na nasa P650M hanggang P15B ang infrastructure funds na matatanggap ng bawat isang kongresista sa 2021 national budget, nagbanta ang Presidential Anti Crime Commission(PACC) na magpapatuloy ang kanilang gagawing imbestigasyon sa maanomalyang transactions sa paggamit ng pondo,kasama na dito ang pakikipagsabwatan sa Department of Public Works and Highways(DPWH) ng mga kongresista na kukuha ng kickbacks sa mga infrastructure projects at ang resulta ng imbestigasyon ay kanila pa rin isusumite kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay PACC Commissioner Greco Belgica hihingin nila kay Sen. Panfilo Lacson ang listahan ng mga infrastructure projects sa distrito ng mga mambabatas at kanilang babantayan kung may korupsyon sa pag-iimplementa nito lalo na sa mga big ticket projects na pinaglaanan ng bilyong government funds.

“Sisilipin namin yung DPWH budget, yung mga anomalous transactions ang iimbestigahan namin. Our jurisdiction covers presidential appointees, but it was during the course of the investigation that some congressmen were implicated. Not all but some. Trabaho lang po kami. Kung ano po ang lumabas sa aming imbestigasyon yun lang ang aming irereport. Walang pilian, walang diinan, sa totoo lang. Tama po si Pangulo na wala kaming jurisdisction sa congressmen kaya kung may makuha kaming involvement ng mga congressman sa aming imbestigasyon ay ipapasa namin sa Ombudsman at sa Task Force for proper investigation”paliwanag ni Belgica.

Sinabi ni Belgica na sa kanilang nauna nang isinumiteng report kay Pangulong Duterte ay kanilang tinukoy ang mga corrupt congressman at ito pa rin ang kanilang gagawin, aniya, makikipagtulungan din ang PACC sa Office of the Ombudsman kung kinakailangan para sa pagsasampa ng kaso laban sa mga corrupt na mambabatas.

Una nang sinabi ni Pangulong Duterte na hindi nya papangalanan ang mga congressman na nasa PACC report dahil wala ito sa kanyang hurisdiksyon gayunpaman ay kanyang ifoforward ang naturang report sa Department of Justice(DoJ) at Office of the Ombudsman para sa matibay na paghahain ng kaso laban sa mga tiwaling government official.

Kinumpirma ng PACC na nakakatanggap ng 10% hanggang 15% komisyon ang mga kongresista sa mga infra projects na ginagawa ng DPWH, ani Belgica sa laki ng komisyon ng mga kongresista sa mga proyekto bukod pa sa porsiyento din ng mga tiwaling DPWH officials, mga contractor at district engineers ay halos 50% na lang ang napupunta sa project cost na syang dahilan kung bakit maraming substandard na mga proyekto.

Gayundin ang pahayag ni Lacson, aniya, maraming contractor ang umiiyak dahil sa pambabraso ng mga congressman na makuha ang kanilang kickbacks, bagamat hindi nito nilalahat ay marami umanong congressman ay ang kita lang sa mga infra projects ang inaatupang.

Samantala sinabi ni Lacson na hindi pa tapos ang kanyang pagharang sa naglalakihang infrastructure budget ng mga congressman, bagamat tinapos na ng Senado ang period of debates para sa P4.5 Trillion 2021 budget ay hindi nangngahulugang nakalusot na ang mga insertions na ginawa ng House Leadership, aniya, maari pa rin mabago at patuloy nyang kukuwestiyunin sa bicameral conference meeting ang mga isiningit na budget.

Una nang ibinunyag ni Lacson na kanilang napuna ang malaking isiningit sa infrastructure budget ng Kamara nang maupo si House Speaker Lord Allan Velasco kung saan inihalimbawa nito ang isang distrito na mula sa P9 billion na orihinal na budget pero nang magpalit ng liderato ang Kamara ay naging P15 B habag ang isa naman ay P4 billion ay nadoble bigla.

 

 

TAGS: DPWH, Greco Belgica, infra projects house of representatives, pacc, DPWH, Greco Belgica, infra projects house of representatives, pacc

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.