PNP CIDG, iimbestigahan ang pagpatay sa dating hepe ng Jolo City police
Inaalam pa rin kung may kaugnayan sa kanyang dating posisyon ang pagpatay kay Police Lt. Colonel Walter Annayo sa Sultan Mastura, Maguindanao noong Sabado ng hapon.
Si Annayo ang hepe ng pulisya sa Jolo nang mapatay ng kanyang mga tauhan ang apat na Army intelligence operatives noong Hunyo.
Nangyari ang pamamaslang bago pa maaresto ng mga sundalo ang babaeng suicide bombers.
Sinibak sa puwesto si Annayo gayundin Police Lt. Col. Michael Bayawan Jr., at Capt. Ariel Corsino.
Sinabi ni PNP Chief Debold Sinas na tutulong ang CIDG sa Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region sa pag-iimbestiga sa kaso.
Kakababa lang ng kanyang sasakyan si Annayo para bumili ng inumin sa bahagi ng Narciso Ramos Highway sa Barangay Macabiso bandang 1:45 ng hapon nang pagbabarilin ng mga sakay ng isang SUV.
Agad namatay ang biktima dahil sa mga tama ng bala sa ulo at katawan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.