Philrem nag-sorry sa Bangladesh, isosoli ang 10-M

By Kathleen Betina Aenlle March 18, 2016 - 04:33 AM

 

Grig Montegrande/Inquirer

Humingi ng tawad si Philrem Services Inc. president Salud Bautista sa pamahalaan ng Bangladesh kaugnay sa pagdaan sa kanila ng pondong ninakaw sa nasabing bansa at dinala dito sa Pilipinas.

Ayon kay Bautista, wala silang kaalam-alam na hindi pala lehitimo ang perang iyon, kasabay ng pag-giit niyang wala naman silang balak pagkakitaan ang anumang kwestyonableng transaksyon.

Dahil dito, nag-alok ang nasabing foreign exchange dealer na ibalik sa Bangladesh ang mahigit P10-milyong kinita nila sa transaksyong ito.

Aniya, agad nilang ihahanda ang cheque oras na kumpirmahin ng mga kinatawan ng Bangladesh kung kanino nila ito ipapangalan.

Kabuuang P10,474,654 ang kinita ng Philrem sa pagpapalit nila ng $61 million, sa nanakaw na $81 million, sa peso currency.

Dagdag pa ni Bautista, ang nasabing cheque ay sasalamin sa bawat sentimong kinita ng kanilang kumpanya sa mga nasabing serye ng transaksyon kaugnay sa money laundering.

Bukod sa pagiging isang hakbang ng pag-hingi ng tawad sa Bangladesh, ginagawa rin aniya ito ng Philrem para iparating sa nasabing bansa na ang kanilang kumpanya ay handang tumulong para makamit ang hustisya.

Sa kaniyang inihandang pahayag, sinabi ni Bautista na tinanggap nila ang transaksyong ito dahil nag-tiwala sila sa bangkong pinanggalingan nito na ang mga pondo ay malinis at lehitimo.

Ngayon aniya, lumalabas na hindi totoo ang kanilang pinaniwalaan at labis nilang pinagsisisihan na maging bahagi ng isang kontrobersyal at kahiya-hiyang bahagi ng kasaysayan ng Pilipinas.

Nilapitan pa ni Bautista si Bangladeshi ambassador to Manila John Gomes, na umano’y nagsabi na wala siya sa posisyong tanggapin ang cheque mula sa Philrem at kailangan niya pa itong ikonsulta sa kanilang pamahalaan.

Samantala, igniit naman ni Sen. Teofisto Guingona III na ang pagbabalik ng Philrem ng P10 milyon sa Bangladesh ay hindi nangangahulugang abswelto na sila.

Marami pa aniyang kailangang ipaliwanag ang Philrem sa mga senador, at malayo pang matapos ang kanilang pag-alam sa mga pangyayari na nagsimula sa New York, napunta sa RCBC, sa account ni William Go, sa Philrem na bumalik sa RCBC, at bumalik rin sa Philrem bago dumiretso sa mga casino.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.