Pagkakaroon ng Bayanihan Law 3, isinusulong sa Kamara
Hinimok ni Marikina City Rep. Stella Quimbo ang mga kapwa-mambabatas gayundin ang ehekutibo na suportahan ang pagpasa ng pangatlong Bayanihan Law para lalo pang matulungang bumangon ang bansa mula sa epekto ng COVID-19 pandemic.
Sa kanyang privilege speech, sinabi ni Quimbo na kailangan ang Bayanihan 3 na maglalaman ng interventions na nagkakahalaga ng P340 bilyon.
Ayon sa kongresista, mala-telenovela ang haba ng pandemya kaya’t kailangan na rin ng part 3 sa ayuda.
Layon ng Bayanihan 3 na matiyak ang tuluy-tuloy na tulong sa mga pinaka-apektado ng lockdowns at makapag-isolate ang mayroong COVID-19 dahil makakampante silang may mapagkukunan ang pamilya.
Kailangan rin aniya ng dagdag na unemployment assistance sa pamamagitan ng DOLE, dahil marami pa rin ang walang trabaho.
Isasama sa panukala ang subsidy para sa testing at sick leaves para sa mga manggagawang may COVID gayundin ang overtime pay para maipatupad ang staggered work hours at multiple shifts.
Magkakaroon rin ng sapat na pondo para sa internet allowances ng mga guro at estudyante.
Titiyakin rin dito na makabibili ang bansa ng kinakailangang bakuna para sa COVID-19.
Panghuli, isasama sa long-term plan para sa economic resilience ang disaster resilience para mas maging handa na ang bansa at mas madaling makabangon mula sa sakuna.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.