Manila LGU, inilikas na ang ilang residente sa baybaying dagat
Inilikas na ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang ilang mga residente sa baybaying dagat dahil sa bagyong Rolly.
Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, isinagawa ang preemptive evacuation sa may 120 na pamilya sa Isla Puting Bato at Baseco dahil sa banta ng storm surge dulot ng bagyo.
Dinala ang mga evacuee sa Baseco Evacuation Center, Rosauro Almario Elementary School, Amado V. Hernandez Elementary School at covered courts ng Barangay 105 at Barangay 128.
“Sa mga kababayan nating malapit sa dagat, inihanda na po natin ang Baseco Evacuation Site at ang Rosauro Almario Elementary School para sa mga tiga-Parola at Isla Puting Bato,” pahayag ni Mayor Isko.
“Sa malapit naman sa Port Area, magagamit natin ang Amado V. Hernandez at sa Barangay 105. Gayundin sa Smokey Mountain, Barangay 128. Inatasan ko po si MDRRMO Director Arnel Angeles to utilize all resources to prepare our city,” pahayag ng Mayor.
Pinatitiyak naman ni Mayor Isko na masusunod pa rin ang health protocols kontra COVID-19 sa nga evacuation center.
May partition tents aniya na ibibigay ang lokal na pamahalaan sa bawat pamilya para masiguro na masusunod ang physical distancing.
“Our top most priority is to practice minimum health protocols sa paglilikas at pangangalaga sa ating mga posibleng evacuees. Number one priority pa rin ang COVID-19,” pahayag ni Mayor Isko.
Sinimulan na rin ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ang pagtanggal sa tents at billboards sa lungsod para hindi na kakapaminsala sa iba.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.