#RollyPH, lumakas pa at itinaas na sa ‘typhoon’ category

By Angellic Jordan October 29, 2020 - 11:53 PM

Lumakas pa ang Bagyong Rolly at itinaas na sa ‘typhoon’ category bandang 8:00, Huwebes ng gabi (October 29).

Batay sa severe weather bulletin ng PAGASA, huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 1,280 kilometers Silangan ng Central Luzon dakong 10:00 ng gabi.

Taglay na nito ang lakas ng hanging aabot sa 120 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 150 kilometers per hour.

Tinatahak ng bagyo pa-Kanluran sa bilis na 20 kilometers per hour.

Sa ngayon, wala pang lugar na nakataas sa anumang storm signal.

Ayon sa PAGASA, kikilos ang bagyo sa direksyong west-southwestward o southwestward sa araw ng Biyernes, October 30, hanggang Sabado ng gabi, October 31.

Inaasahang magla-landfall ang bagyo sa Central Luzon-Quezon area sa Linggo ng gabi, November 1, o Lunes ng umaga, November 2.

Sinabi pa ng weather bureau na patuloy pang lalakas ang bagyo habang nasa Philippine Sea.

Bunsod nito, magdudulot ang trough ng bagyo ng mahina hanggang katamtaman na kung minsan ay mabigat na buhos ng ulan sa Bicol Region, Eastern Visayas, Central Visayas, at Caraga.

Magdadala rin ng ulan ang rainbands nito sa Bicol Region at eastern section ng Northern at Central Luzon simula sa Sabado o Linggo.

Samantala, maliban sa Bagyong Rolly, may isa pang Tropical Storm na binabantayan ang PAGASA sa labas ng teritoryo ng bansa.

Bandang 8:00, Huwebes ng gabi, huling namataan ang bagyo na may international name na “Atsani” sa layong 2,430 kilometers Silangan ng Mindanao.

Taglay na nito ang lakas ng hanging aabot sa 65 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 80 kilometers per hour.

Tinatahak ng bagyo pa-Hilaga sa bilis na 20 kilometers per hour.

Ayon sa PAGASA, posibleng pumasok ng PAR ang bagyo sa araw ng Linggo o Lunes.

Oras na pumasok sa bansa, papangalanan ang bagyo na “Siony.”

TAGS: breaking news, Inquirer News, Pagasa, Radyo Inquirer news, RollyPH, typhoon goni, Typhoon Rolly, weather update October 29, breaking news, Inquirer News, Pagasa, Radyo Inquirer news, RollyPH, typhoon goni, Typhoon Rolly, weather update October 29

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.