Pagbubuwis sa “Online Sabong” at iba pang “Online Games” isinusulong sa Kamara
Itinutulak ni House Committee on Ways and Means Chairman at Albay Rep Joey Salceda na buwisan ang online betting sa sabong at iba pang mga laro online.
Sa House Bill 7919 o “Offsite Betting Activities on Locally Licensed Games” na inihain ni Salceda ay isinusulong nito na magkaroon na rin ng pagbubuwis sa mga online-betting activities upang maging transparent at accountable ito sa gobyerno.
Sa ilalim ng panukala, 5 porsiyento ang buwis na sisingilin mula sa gross revenues ng Offsite Betting Activities on Locally Licensed Games.
Binibigyan kapangyarihan ang Bureau of Internal Revenue para mag-accredit at inspect ng totalizators at iba pang mga gambling devices na gagamitin sa collection, consolidation, at recording ng taya sa ginagawa sa online betting.
Sa oras na maging ganap na batas, oobligahin din anang mga gaming operators na maging transparent sa BIR at iba pang regulatory government agencies at instrumentalities.
Sinabi ni Salceda na makakatulong ang panukala upang makalikom ng mas marami pondo ang pamahalaan na gagamitin sa pagtugon sa COVID-19 pandemic.
Bagaman legal ang sabong, sinabi ni Salceda na mayroon pa ring gray area pagdating naman sa electronic aspect nito.
Dahil sa malabo ang aspetong ito, hindi aniya nakakasingil ng buwis ang pamahalaan sa mga aktibidad na ito, o hindi kaya ay masilip ang kanilang operasyon.
Inaasahang P1 Billion naman ang inisyal na kita na makokolekta dito ng pamahalaan.
Hindi naman kasama sa panukala ang games at activities na regulated at pinapayagan sa ilalim ng government gaming authorities tulad ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at Philippine Charity and Sweepstakes office (PCSO).
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.