Mga senador nilinis ni Senate President Vicente Sotto III sa sinasabing korapsyon sa DPWH projects
Tiwalang-tiwala si Senate President Vicente Sotto III na wala kahit isa sa mga kapwa niya senador ang maiuugnay sa mga sinasabing katiwalian sa mga proyekto at pagtatalaga ng district engineers sa DPWH.
Kasabay nito, hinimok niya ang mga nalalaman na ilantad ang mga pangalan ng mga mambabatas at mga opisyal at contractors na nagsasabwatan para hindi naman pagdududahan ang lahat maging ang mga wala talagang kinalaman.
Dagdag pa ng senador kapag pinangalanan ang mga sangkot dapat ay maglabas din ng mga ebidensiya.
Ngunit pag-amin ni Sotto matagal na siyang nakakarinig ng mga alingasngas sa mga proyekto ng DPWH ngunit wala naman aniya lumulutang para patunayan ang mga katiwalian at maglabas ng matitibay na ebidensiya.
Pagdidiin pa nito, hindi naman nila maaring imbestigahan basta-basta ang mga kapwa nila mambabatas sa Mababang Kapulungan at aniya kung gagawa sila ng hakbang ukol sa iyu, ito ay in aid of legislation.
Paliwanag niya, magsusulong sila ng mga panukala para hindi na mangyari ang mga sinasabing kalokohan sa DPWH kayat aniya ang maaring magkasa ng malalimang imbestigasyon ay ang Department of Justice.
Una nang sinabi ni Presidential Anti-Corruption Commission Comm. Greco Belgica na may ilang mambabatas ang ginagamit ang kanilang impluwensiya sa mga proyekto ng DPWH, kasabwat ang district engineers at private contractors.
Ngunit sinabi na rin ni Belgica na hindi niya isasapubliko ang pangalan ng mga mambabatas na kanilang iniimbestigahan para hindi makompormiso ang kanilang isinasagawang imbestigasyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.