Alex Gonzaga at kanyang pamilya, nagpositibo sa COVID-19
Maging ang aktres at YouTube sensation na si Alex Gonzaga ay hindi nakaligtas sa Coronavirua Disease (COVID-19).
Sa kanyang vlog, ibinahagi ng television host ang kanyang pinagdaanan nang magpositibo sa nakakahawang sakit.
Aniya, nagpositibo rin sa COVID-19 ang kanyang mga magulang, fiancè na si Lipa City, Batangas councilor Mikee Morada at isang kasamahan sa bahay.
Nang magpositibo, sinabi ng vlogger na asymptomatic ang kanyang mga magulang habang nagkaroon naman siya ng mild symptoms maging si Morada at kasamahan sa bahay.
Dahil sa nangyari, sinabi ni Alex na naudlot ang kanilang mga plano para sa kasal at hindi rin siya naka-attend sa isang television show.
Ikinuwento ng aktres kung paano nila nilabanan ang nakakahawang sakit habang nakasailalim sa quarantine period.
Matapos ang dalawang linggong quarantine, nagnegatibo na ang kanilang pamilya sa isinagawang retest.
Ani Alex, sa kabila ng pinagdaanan, “blessed” pa rin ang kanilang pamilya dahil isa sila sa mga maswerteng nakaligtas sa COVID-19.
Sinabi pa nito na ibinahagi niya ang kanilang pinagdaanan upang magsilbing paalala sa lahat na maging maingat at sumunod sa ipinatutupad na health protocols upang hindi mahawa nito.
“It made me realize na in this pandemic, we should stop thinking about ourselves. We should really think about other people. It’s not about you, it’s about the people around you para mas maiwasan nating makahawa at maiwasan nating magkaroon ng kaguluhan ngaypng may pandemic,” ayon pa kay Alex.
Nagparating naman ng pasasalamat ang aktres sa lahat ng nag-alay ng panalangin para sa kanilang paggaling.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.