Umano’y NPA member, patay sa engkwentro sa Sorsogon
Patay ang isang hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) matapos makasagupa ang tropa ng militar sa Barangay Taromata, Bulan, Sorsogon.
Ayon kay Lt. Colonel Henrito Managay, Commanding Officer ng 22 Infantry Battalion, nagsagawa ng security operations ang kanyang mga tauhan matapos makatanggap ng impormasyon na may presensya ng rebeldeng grupo sa lugar.
Aabot sa 20 rebelde ang nakasagupa ng militar at tumagal ng 15 minuto ang laban.
Sa naturang operasyon, patay ang isang rebelde.
Agad namang nagsitakas ang mga rebelde matapos mabatid na napatay na ang isa nilang kasamahan.
Narekober sa lugar ang isang caliber .45, isang caliber .38, backpacks at terroristic propaganda materials.
Samantala, nakasagupa naman ng 49th Infantry Battalion ang rebeldeng grupo sa Oas, Albay.
Nagsasagawa ng Serbisyo Caravan sa Barangay Mayag nang makapalitan ng putok ang rebeldeng grupo.
Isang anti-personnel mine ang pinasabog ng rebeldeng grupo kung saan napatay ang isang sundalo habang nasugatan ang dalawang iba pa.
Nagsasagawa na ng follow up operation ang mga awtoridad laban sa rebeldeng grupo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.