DepEd umapela na ihinto ang pag-uugnay ng suicide incidents sa problema sa distance learning
Umapela ang Department of Education (DepEd) sa publiko na iwasan ang ginagawang pag-uugnay sa mga insidente ng suicide sa mga pagsubok na hatid ng pinaiiral na blended learning.
Ayon sa pahayag ng DepEd, nakarating na sa kanilang kaalaman ang mga pagsubok na hatid ng kasalukuyang sitwasyon kasama na ang malungkot na balitang may mga guro at mag-aaral ang pumanaw sa gitna ng krisis.
Sinabi ng DepEd na lubos na nagdadalamhati at nagpapaabot ng pakikiramay ang kagawaran sa mga naulila.
Tiniyak ng DepEd na patuloy na nakikipag-ugnayan ang field offices nito sa mga pamilyang naiwan upang maiparating ang agarang tulong at suporta.
Hiling ng DepEd sa publiko na igalang ang pribadong buhay ng mga pamilyang naiwan at gayundin ang pag-iwas sa mga kuro-kuro ukol sa sanhi ng pagkamatay.
Panawagan ng DepEd itigil ang pagkunekta ng mga insidente ng suicide sa mga modyul o sa distance learning.
Sa katunayan ayon sa DepEd batay sa report mula sa pulisya at pahayag ng mga pamilya, at base sa mga inisyal na imbestigasyon ng mga kaso ay wala sa alinmang insidente ang tumutukoy sa distance learning bilang pangunahing sanhi ng pagkasawi ng ilang guro at estudyante.
“Patuloy na nakikipag-ugnayan ang Kagawaran sa mga guro, kawani, at mga mag-aaral upang sila ay mabigyan at mahatiran ng mga nararapat na serbisyong pang-mental na kalusugan at psychosocial,” ayon sa DepEd
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.