Panukala upang makaboto ng maaga ang mga senior citizen at PWD ihinain sa Kamara
Isinusulong sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ni Ang Probinsyano Rep. Ronnie Ong ang panukala upang payagang makaboto ng mas maaga ang mga senior citizen at mga may kapansanan o PWD.
Base sa House Bill 7868 o ang New Normal of Voting for Senior Citizens and PWDs Act of 2020 ni Ong, boboto ng mas maaga ng 30 araw o isang buwan ang mga matatanda at mga may kapansanan bago ang aktwal na pagdaraos ng Presidential at local elections sa 2022.
Bukod sa maagang pagboto ng mga matatanda at mga may kapansanan ay pinatitiyak din sa panukala ang paglalalatag at mahigpit na pagsunod sa health at safety protocols sa lahat ng polling stations at mga establisyimentong maaaring gawing waiting areas.
Sa ilalim nito, binibigyan ng Kapangyarihan ang Commission on Elections (COMELEC) na i-explore at i-develop ang early voting system sa pamamagitan ng postal o mail-in voting.
Pinagsasagawa din ang komisyon ng public information campaign para sa epektibong partisipasyon ng lahat ng mga senior citizens at PWDs sa gaganaping halalan.
Binigyang diin ng kongresista na posibleng ma-disenfranchise ang 10 milyong mga senior citizens at PWDs dahil hindi makalabas para makaboto bunsod ng potensyal na panganib sa kalusugan.
Aniya, bagamat pinapayagan ang absentee voting sa ilang local at OFWs ay hindi naman pinapayagan hanggang ngayon ang early voting sa mga seniors at mga PWDs.
Inihain ni Ong ang panukala kasunod ng pangamba na posibleng hanggang 2022 ay mayroon pa ring banta sa kalusugan ang COVID-19.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.