MRT-3 balik na sa full operations ngayong araw
Balik muli sa full operations ang MRT-3 ngayong araw, ika-12 ng Oktubre 2020.
Ito ay matapos ang dalawang araw na pagpapatupad ng partial operations noong Sabado at Linggo upang magbigay-daan sa ginagawang turnout activity sa Taft Avenue station.
Ngayong araw, bumibiyahe muli ang mga tren mula North Avenue station hanggang Taft Avenue station at vice versa.
Sa kasalukuyan, may tumatakbong 17 train sets sa linya, kabilang ang 15 CKD train sets at 2 Dalian train sets.
Paalala ng pamunuan ng rail line na magkakaroon muli ng pagsasaayos ng turnouts sa Taft Avenue station sa ika-31 ng Oktubre hanggang ika-2 ng Nobyembre, at sa ika-14 at 15 ng Nobyembre 2020.
Ang mga aktibidad na ito ay bahagi ng massive rehabilitation and maintenance na isinasagawa ng Sumitomo-Mitsubishi Heavy Industries mula sa bansang Hapon sa buong linya ng MRT-3.
Ipatutupad pa rin ang mga health at safety protocols sa loob ng mga istasyon at tren, kabilang ang pananatili ng 1-metrong distansya sa pagitan ng mga commuter, temperature check, palagiang disinfection, pagsusuot ng tamang face shield at face mask, pagbabawal sa pagsasalita at pagsagot ng mga tawag sa anumang digital device habang nakasakay sa loob ng tren.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.