Aerocity Francise Bill may sabit sa ‘Create’ Bill ayon kay Sen. Lacson
Pinuna ni Sen. Panfilo Lacson ang umano’y pagkasalungat sa ilang mahalagang provisions ng kasalukuyang hinihimay ng Senado na Corporate Recovery and Tax Incentive for Enterprise (CREATE) bill sa minamadali namang maaprubahan ng mga senador na Aerocity franchise bill para sa pagpapatayo ng higanteng paliparan sa lalawigan ng Bulacan.
Bagama’t aprubado na sa 2nd reading sa Senado ang prangkisa ng San Miguel Aerocity Inc. para sa pagpapatayo ng international airport ay nasilip naman ng ilang senador ang magiging epekto nito sa CREATE bill na isa ring priority Senate legislation.
Sa period of interpellation sa Senado kamakalawa para sa final plenary approval ng prangkisa ng SMC Aerocity ay mariing kinuwestiyon ni Lacson ang banggaan ng mga probisyon sa dalawang mahalagang panukalang batas:
Sa ilalaim ng CREATE bill, na nauna nang naisalang sa Senado, ay sasagasa ang tax incentive item na nakapaloob dito sa probisyon namang nakapaloob sa airport franchise bill na nagbibigay ng umano’y sobra-sobrang tax incentives sa kompanyang pag-aari ng negosyanteng si Ramon S. Ang.
Partikular na tinukoy ng mambabatas ang probisyon sa CREATE bill na mag-aalis sa ilang fiscal incentives para sa karagdagang income ng gobyerno bilang kapalit naman ng pagpapababa sa corporate income tax ng mga pribadong negosyante.
Nauna nang ipinasa ng Kamara at kinatigan na ng Senado sa ikalawang pagbasa ang probisyon sa airport franchise bill na magbibigay ng tinatayang aabot sa P118 bilyong biyaya sa SMC Aerocity sa pamamagitan ng iba’t-ibang tax privileges sa loob ng limampung-taon.
Nakapaloob sa 50-year frachise bill na sa unang sampung taon na kinokonstrak ang paliparan ay umaabot sa P38 bilyon ang maililibre sa iba’t-ibang bayarin sa buwis ng kompanya ni Ang at P2 bilyon naman kada taon ang karagdagang tax incentives sa loob ng natitira pang 40 taon na siyang buhay ng prangkisa.
Ang naturang probisyon para sa umano’y nakalululang paglibre sa mga bayarin sa buwis, na sinasabi ng mga kritiko na tanging ang SMC Aerocity lamang ang napagkalooban, ay nauna nang hinagupit ng Action for Economic Reform at iba pang mga advocacy group bilang labag sa panuntunan ng gobyerno at umano’y mapanira sa patas na pagnenegosyo sa bansa.
Sinabi ni Lacson na kung mauunang maaprubahan ang panukala para sa pagpapatayo ng Bulacan airport ay mawawalang-saysay ang mga nabanggit na tax exemptions sa SMC Aerocity “dahil sa probisyon sa CREATE bill na nagsasabing anomang batas na kontra sa mga regulasyon nito ay kinokonsiderang repealed o walang bisa.”
“What I am worried is kapag ang airport franchise bill is passed into law ahead of CREATE bill, we might be facing a constitutional issue,” mariing pahayag ni Lacson.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.