Diplomatic relations ng Pilipinas at China, mahalaga lalo na sa panahon ng COVID-19 pandemic
Iginiit ni House Appropriations Committee Chairman at ACT-CIS Rep. Eric Yap na kailangang maghunos-dili ang Pilipinas sa China sa issue sa West Philippine Sea sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Sa plenary deliberations sa panukalang 2021 budget ng Office of the President, tinanong ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas si Yap kaugnay sa ginawa ng China sa teritoryo ng bansa.
Sagot ni Yap, mahalagang mapanatili ang diplomatic relationship sa pagitan ng Pilipinas at China upang magkaroon ng mas mataas na tiyansa na mauna ang Pilipinas na makakuha ng bakuna sa COVID-19 sa oras na maging available na ito sa China.
Binigyan diin ni Brosas na hindi dapat gamitin ang pandemya para mangsamantala ang China at ipagpatuloy ang pagtayo ng mga imprastraktura sa mga teritoryo ng Pilipinas.
Iginiit ni Yap na hindi nagpapabaya ang pamahalaan sa issue na ito, pero hindi aniya maaaring isiwalat sa publiko ang mga hakbang na tinatahak dahil sa issue sa national security.
Wala din aniyang dapat ikabahala sa pagtatayo ng China ng mga imprastraktura sa mga teritoryong sakop ng Pilipinas dahil sa oras aniya na dumating na ang tinatawag na “day of reckoning” ay sa mga Filipino rin naman ito mapupunta.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.