Sen. Bong Go suportado ang panukalang anti-red tape measure para matugunan ang korapsyon sa bansa
Nagpahayag ng suporta si Senator Christopher “Bong” Go sa panukalang anti-red tape na magbibigay otoridad sa Pangulo na gawing simple ang proseso ng burukrasya sa panahon ng national emergencies at padaliin ang pagnenegosyo at palakasin ang kampanya laban sa korapsiyon.
Sa public hearing na isinagawa ng Senate Committee on Civil Service kasama ang Committee on Justice, araw ng Martes, September 29, ay inihayag ni Go ang kanyang suporta sa
Senate Bill No. 1844.
“‘Yung three days to one week lang dapat – dapat po ay three days to one week lang po, ‘yun ang gusto niya mangyari. Kasi minsan inaabot ng ilang taon, ilang buwan,” saad ng senador.
“’Yung pinapatulog po ‘yung mga papeles. […] That means there is inefficiency at best and corruption at worst,” dagdag niya.
Nagbabala din si Go sa mga opisyal na hindi susunod sa anti-red tape policy ng gobyerno.
“Do not test this administration because we will see to it that you will be held accountable. Hihiyain talaga kayo ni Presidente,” babala ng senador.
“At hindi lang po hihiyain, yayariin po namin kayo. Kung paano yayariin, bahala na kayong umintindi,” dagdag pa niya.
Sa kanyang talumpati, ay ipinunto ni Go ang panawagan ni President Rodrigo Duterte na paunlarin ang maayos na proseso nang pagnenegosyo sa bansa sa pinakahuling talumpati nito sa taumbayan.
“Suportado ko po ang sinabi ng Pangulo na kailangan natin ayusin ang burukrasya sa gobyerno hindi lamang upang i-improve ang ease of doing business sa bansa, kundi para labanan ang korapsyon sa gobyerno. Mas lalo itong kailangan ngayon to facilitate our economic recovery in this time of pandemic,” wika ni Go.
Sa kanyang mensahe sa publiko noong ika-28 ng Sityembre ay binanggit ng Pangulo ang aniya’y matinding burukrasya sa state insurer PhilHealth na isa umano sa sanhi ng korapsiyon sa ahensiya kasabay nang pangakong gagawa ng radikal na mga hakbang para tugunan ang isyu.
“I am ready to appear there in Congress and discuss with them… discuss how we can cut corruption, simplify the ease of doing business, Sabi ni Duterte.
Samantala, suportado ni Go ang panawagan ng Pangulo na muling bisitahin ang mga batas at implementing rules and regulations.
“Kung kailangan lagyan ng ngipin para sundin, gawin natin. Kung kinakailangan, mas palawakin at paigtingin ang parusa sa mga lumalabag sa batas. Iisa lang naman ang layunin natin dito: ang maisaayos ang burukrasya at mapaganda ang serbisyo sa tao, Sabi ni Go.
“Totoo po ‘yun, na willing daw po siyang ma-summon sa Senado, sabi nga ni SP, ‘wag naman daw summon, but to be invited as one of the resource persons. Willing po ang ating Pangulo na imbitahan po siya sa Kongreso para makapagsalita gaano kalalim ang korapsyon sa ating bansa,” saad pa nito.
Hinimok naman niya ang pribadong sektor na tumulong sa giyera laban sa korapsiyon at makiisa sa pagkakaroon ng malinis at ipesiyenteng burukrasya na magkakaloob ng karapat-dapat na serbisyo para sa mga Filipino.
“Kung may mali, i-report po ninyo. Kung may nanlalamang, huwag ninyong palagpasin. Kung may nananamantala at nanloloko, i-reklamo po ninyo para mapanagot natin,” paalala ni Go sa publiko.
“Together, let us demand accountability from those who have sworn to render public service with integrity and efficiency. Know your rights and demand the best, because you deserve nothing less. Isumbong ninyo po, magtulungan po tayo. Paano natin masugpo ito kung hindi tayo magtutulungan sa isa’t isa,” pagtatapos nito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.