Presyo ng palay ngayon, mas mura pa sa face mask – Sen. Recto
Pinuna ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto ang sobrang baba ng halaga ng palay at aniya, mas mataas pa ang presyo ng face mask.
Hiniling ni Recto sa Department of Agriculture (DA) na usisain ang dahilan ng P12 kada kilo na halaga ng palay, na inireklamo ng mga magsasaka sa pamamagitan ng social media.
Aniya, noong unang linggo ng buwan, iniulat ng gobyerno na P17.64 ang average farm gate price ng kada kilo ng palay at ito ang dapat na alamin ng DA kung talagang totoo.
“The least that the DA can do is to spot areas where palay is being bought at bargain prices and recommend measures on how to shore it up so that farmers will not be at the losing end,” ayon sa senador.
Kapag totoo ang hinaing ng mga magsasaka, luging-lugi na sila at hindi makakabawi kahit ang ipinuhunan at sa kanyang pagtatantiya sa bawat P20.40 kada kilo, kikita sa bawat ektarya ang magsasaka ng P33,355.
Pagdidiin ni Recto, napakahalaga ng kontribusyon ng palay sa mga kanayunan at dapat alamin din ng DA kung ano ang nagiging epekto ng pag-aangkat ng bigas sa presyo ng palay sa bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.