Comelec, problemado sa kautusang mag-isyu ito ng resibo sa election day
Magiging matindi ang epekto ng desisyon ng Supreme Court na iatas sa Commission on Elections na mag-isyu ng resibo sa araw ng halalan sa paghahanda ng ppoll body sa nalalapit na eleksyon.
Ayon kay Comelec Chairman Andres Bautista, halos nangangalahati na ang Comelec sa preparasyon sa May 9 elections, at kung ipapatupad ang kautusan ng SC ay labis na mababalam ang kanilang paghahanda.
Aniya, kinakailangan nilang muling i-‘reconfigure’ ang lahat ng SD cards ng 92,500 na vote counting machines na gagamitin sa botohan.
Mangangailangan din aniyang magsagawang muli ng bidding upang matukoy ang magsu-supply ng mga receipt receptacles para sa mga makina.
Kakailanganin din aniyang muling isalang sa ‘re-training’ ang may 277,000 personnel na magsisilbi bilang mga Board of Election Inspectors upang maituro kung paano ang gagawin upang makapag-isyu ng resibo.
Sakali aniyang magpalabas ang mga vote counting machines ng mga resibo, tatagal ng hanggang sampung oras ang proseso ng eleksyon sa Mayo.
Dahil dito, humahanap na ng kaukulang legal na paraan ang poll body upang maremedyuhan ang desisyong ipinalabas ng Kataas-taasang Hukuman.
Matatandaang sa botong 14-0, pinaboran ng SC ang petition na nag-aatas sa Comelec na mag-isyu ito ng vote receipts sa araw ng eleksyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.