20 pasyente sa Sta. Ana Hospital, na-discharge na matapos gumaling sa COVID-19
Bumaba na sa 35 ang bilang ng mga pasyenteng nananatiling positibo sa COVID-19 sa Sta. Ana Hospital.
Ito ay matapos ma-discharge ang 20 gumaling na pasyente noong Miyerkules, September 23.
Dahil dito, bumaba ang COVID-19 bed occupancy ng ospital sa 38 porsyento, pinakamababa simula nang magkaroon ng pandemya.
Ayon kay Dr. Grace Padilla, director ng Sta. Ana Hospital, ang maagang pag-detect sa virus ang nakatulong para mapadali ang pag-response sa mga pangangailangan ng mga pasyente.
“A lot of factors helped us achieve this small victory. Early detection thru real time testing via cartridges based RT-PCR laboratory, immediate admission to address the present problems and innovative management in the Sta Ana Hospital Manila Infectious Disease Center,” pahayag ni Dr. Padilla.
Nagpasalamat naman si Dr. Padilla kina Mayor Isko Moreno at Vice Mayor Honey Lacuna-Pangan para sa patuloy na suporta sa health sector ng lungsod.
Samantala, nakatakdang magtayo ng pangalawang Molecular Laboratory sa loob ng Sta. Ana Hospital.
Ani Dr. Padilla, makatutulong ito upang tumaas pa ang testing capacity sa lungsod.
“We can perform more or less a thousand tests a day for one machine eh now we have two. Kung ma-maximize natin ‘yung capacity niya (molecular laboratory), puwede tayong makapag provide ng help even sa national government. Again, that is kung ma-maximize. We’ll be doing our best to make it efficient, fast and real time,” dagdag nito.
Maliban dito, patuloy ang pagpapaigting ng Manila City government sa COVID-19 response sa pamamagitan ng libreng serology testing gamit ang walk-in testing centers at pagbibigay ng karagdagang equipment sa anim na district hospitals sa lungsod.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.