“Paiimpluwensiya ba ang Korte Suprema?” sa ‘Wag Kang Pikon ni Jake Maderazo

March 08, 2016 - 05:17 AM

JAKE MADERAZOSA special en banc session ng Korte Suprema sa Miyerkules, malalaman na natin ang sagot.

Ayon kay Senador Grace Poe, tatanggapin niya ang anumang “collegial decision” ng SC habang kanyang iginiit na siya ay “natural born Filipino”. Pormal na ilalahad doon ang ponencia ni Associate Justice Mariano del Castillo (sa kanya nai-raffle ang kaso) at kung mayroong ibang “ponencia” mula sa ibang mahistrado, ito’y pagbobotohan at ang mananalo ang siyang hihiranging “majority decision”.

Maraming ispekulasyon ang kumakalat matapos iulat ng media ang sinasabing 70-age ponencia ni Castillo at nagagalit sina Associate Justice Leonen at Chief Justice Sereno sa reporter.

Ayon sa draft, disqualified na si Poe sa 10- year residency requirement. Ibig sabihin, mas naniwala si Castillo sa sinasabi ng Comelec na ibat-ibang petsa ang idineklara ni Poe.

Hindi naman niya tinalakay ang “foundling” o natural born issue para raw manatiling Senador si Poe at makatakbo sa pagkapangulo sa 2022.

Inabot ng limang oral arguments na napakinggan naman ng publiko ang mga opinyon at mahabang balitaktakan.
Nakakalungkot lang na sa limang Martes na pagdinig , tig-limang minute lang ang ibinigay kina Dean Amado Valdez, Atty . Erlinda Elamparo, Atty. Manuelito Luna at Prof. Antonio Contreras.

Pero sa mga coffee shops, boardrooms at pondohan, puro Poe disqualification ang paksa. Kung tatanungin ang kampo nina Poe , 4-4 pa lang daw ang iskor at dikitan pa rin ang laban. May nagsasabing lahat ng 6 PNoy appointees ay papabor kay Poe kayat tatlo na lang ang kukumbinsihin sa mga Gloria appointees ay mananalo sila, 9-6.

Lalong lalo na raw na makakasiguro si Poe kung tutulugan pa siya ni PNoy.

Pero, iba naman ang sinasabi ni dating Inquirer columnist Belinda Olivares-Cunanan sa kanyang blog na “Political Tidbits” nitong Huwebes. Ang resulta raw sa ngayon ay 10-5, pabor sa disqualification, base sa kanyang “inside sources” sa SC.

Ibig sabihin nito, may isang PNoy appointee ang bumaligtad. Pero, maari raw magbago kung bumoto pabor sina Velasco at Pnoy appointee Perlas-Bernabe, at ang magiging resulta raw ay 8-7 DQ.

Pero masyadong dikit na ang botohan kayat posibleng magkagapangan dahil mas dumadalas daw ngayon ang tawag ng Malakanyang sa SC. Kaya naman ang tanong ngayon ay kung meron pa bang kamandag si PNoy sa mga justices, lalo ngayon na paalis na siya? Itataya ba nila ang kanilang propesyon sa papaalis o paparehas sila?

Magpapakumbinsi ba ang mga mahistrado sa mga pressure ng mga malalaking negosyante sa likod ni Poe? Sa hinaba-haba ng mga diskusyong legal, ang lumilitaw na pangunahing isyu ay ang bilangan ng araw ng pag-apply ni
Poe ng dual citizenship noong July 2006 at ang 10 year residency requirement ng presidency.

Ibig sabihin, sa July 2016 pa lamang siya magiging 10 years o kulang ng dalawang buwan sa May 9, 2016 elections. Ayon sa eksperto at analysts na kausap natin, simpleng simple ang requirement na ito.

At kung magkakaroon ng taliwas na ruling dito ang Sereno Supreme Court, kailangang maliwanagan ng husto ang susunod na henerasyon lalo na ang mga bagong abugado.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.