Inter-agency approach sa mas istriktong pagpapasuot ng face mask, ipinanawagan ni Sen. Bong Go
Itinutulak ni Senator Christopher “Bong” Go ang tatlong paraan upang mahigpit na maipatupad ang mask-wearing policy sa buong bansa sa gitna nang nagpapatuloy na pandemya dulot ng COVID-19. Ito ay ang
“Bayanihan, suporta sa kabuhayan ng mga kababayan, at malasakit sa mga mahihirap at pinaka-nangangailangan.”
Apela ng senador sa ehekutibo na tiyakin ang pagsasama-sama ng pribado at pampublikong sektor sa implementasyon ng mas istriktong polisiya sa pagsusuot ng mask.
Kailangan din aniya ipatupad ang suporta sa lokal na industriya na na gumagawa ng mask, at magkaloob ang gobyerno ng libreng mask sa mga mahihirap at vulnerable sectors na hindi makabili ng sarili nilang mask.
“Magbayanihan tayo, suportahan natin ang kabuhayan ng ating mga kababayan, at magmalasakit tayo sa mga pinaka-nangangailangan. Ito ang tatlong mga bagay na dapat natin laging tandaan,” giit ni Go.
Dati nang umapela ang mambabatas sa pamahalaan na magpatupad ng mahigpit na face mask-wearing policy. Kanya ring hinimok ang Executive branch na siguruhin ang full inter-agency support and collaboration sa pribadong sektor upang naipatutupad nang tama ang naturang polisiya.
“Dahil inobliga natin ang lahat na magsuot ng masks upang matigil ang pagkalat ng COVID-19, obligasyon rin nating mga nasa gobyerno na siguraduhing lahat ng mga Pilipino ay may may kapasidad na makakuha ng mask na isusuot para sa kanilang proteksyon. Parte ‘yan ng bayanihan,” saad ni Go.
Hinimok din niya ang gobyerno na magtatag ng panuntunan para sa walang humpay na produksiyon at distribusyon ng masks kasunod ng inisyal na implementasyon ng programa para libre na ibigay ang locally-made masks sa poorest of the poor at most vulnerable households.
“Siguraduhin nating sapat ang supply ng masks. Tulungan natin ang mga lokal na industriya na gumagawa nito para rin mabigyan ng kabuhayan ang ating mga kababayan,” paliwanag ni Go sabay giit na “wearing masks can save lives while buying locally made masks can save jobs.”
Binigyang-diin din ng senador ang pangangailangan para maging mas maagap sa pagpapatupad ng mas matibay na mask wearing policy sa pamamagitan ng pagpapakita ng habag sa mga pangangailangan at limitasyon ng mga mahihirap.
“Maging mas proactive tayo at magmalasakit sa mga mahihirap. Kung walang pambili ng mask, bigyan dapat ng libreng mask para lahat ay makapag-comply sa stronger mask wearing policy,” diin ni Go.
Ipinaliwanag ni Go na ang mahihirap na Filipinos ang higit na nahihirapan sa mga epekto ng pandemya sa kanilang kabuhayan.
Dahil dito ay kailangan aniya magkaloob ang gobyerno ng dagdag na suporta para sa mga ito upang mabalanse ang pangangailangan upang muling pasiglahin ang ekonomiya habang patuloy na pinoprotektahan ang kalusugan ng mamayan.
“Inoobliga natin silang magsuot ng masks kahit halos wala na nga silang pambili ng pagkain. Uunahin siyempre nila ang bumili ng pagkain kaysa bumili ng mask. Para naman mabuhay, kailangan nilang bumalik sa trabaho pero hindi sila makakapagtrabaho ng maayos kung hindi sila protektado,” saad ni Go.
“Kaya dapat lang na bigyan sila ng libreng masks para makasunod sila sa patakaran at maprotektahan ang kanilang sarili,” dagdag pa nito.
Iminungkahi din ng senador na pangunahan ng Department of Trade and Industry ang efforts para sa production at procurement ng mask. Maari naman aniyang tumulong ang Department of Health at Department of Science and Technology para sa pagdetermina ng quality specifications na kinakailangan para sa locally produce proper masks.
Idinagdag pa nito na dapat tumulong ang Technical Education and Skills Development Authority sa pagsasanay ng mas maraming manggagawa na nangangailangan ng hanapbuhay upang tumulong sa local production ng masks, habang ang Department of Social Welfare and Development ay nakatoka sa pamamahagi ng face masks sa prayoridad na mga benepisyaryo.
“Tulungan rin nating makaahon ang mga lokal na industriya, tulad ng mga mananahi at mga nagbebenta ng raw materials, na magagamit sa paggawa ng masks. Kung mapapalakas natin ang local production ng masks, mabibigyan natin ng livelihood ang mga tao, lalo na ‘yung mga nawalan ng trabaho, at mas mapoprotektahan natin ang ating mga kababayan mula sa sakit,” saad pa ni Go.
Sa kabila ng sinasabi ng karamihan ng mga eksperto na ang nagpapatuloy na pagsisikap ng bansa ay nagreresulta ng flattening of the curve” sa numero ng COVID-19 cases, ay inulit ni Go ang kanyang panawagan sa publiko na manatiling nakaalerto, makiisa sa mga otoridad sa pagsunod sa health protocols at patuloy na magpakita ng malasakit sa isa’t-isa.
“Pinaalalahanan ko ang publiko na ang pagsuot ng mask ay pangunahing paraan upang proteksyunan ang sarili at bilang pagrespeto o pagbibigay konsiderasyon rin sa kapwa tao. Huwag natin balewalain ang simpleng patakaran na ito na makakapagligtas ng buhay ng kapwa nating Pilipino,”sabi ni Go.
Ipinaliwanag ng senador na ang pagsusuot pa lamang ng tamang uri ng mask ay 85 porsiyento na makababawas sa pagkalat ng virus. Sa pagsunod naman aniya sa social distancing at paggamit ng face shields, ang panganib ay maaring bumaba ng 90%.
Hinimok din niya ang mga ito na patuloy na obserbahan ang simpleng precautionary measures, tulad ng pagsunod sa lsocial distancing, frequent hand washing at iwasan ang non-essential travels.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.