DOH, hinimok na magsagawa na ng random Zika testing

By Kathleen Betina Aenlle March 08, 2016 - 04:54 AM

zika virus2Nanawagan na ang ilang mga doktor sa Department of Health (DOH) na magsagawa ng random Zika virus testing sa mga barangay kung saan matataas ang insidente ng dengue.

Ang Aedes Aegypti na uri ng lamok na nagdadala ng dengue, ay siya ring nagdadala ng Zika virus.

Ayon kay Dr. Willie Ong na isang cardiologist at dating consultant ng DOH, kailangang gawin ang random testing sa hindi bababa sa 100 residente ng barangay na may mataas na naitalang kaso ng dengue noong nakaraang taon.

Partikular aniya na dapat unahin ay ang mga babaeng buntis, may lagnat at may rashes.

Giit ni Ong, kung ang isang dayuhan na bumisita lamang sa Luzon ng isang buwan ay nagkaroon ng Zika, ibig sabihin ay maraming iba pang Pilipino ay mayroon na nito.

Sinang-ayunan rin siya ni Dr. Ted Herbosa na dating health undersecretary at iginiit ang pagdedeklara ng World Health Organization (WHO) ng public health emergency of international concern dahil sa Zika virus.

Ani Herbosa, hindi sapat ang pag-test sa tatlo o apat na tao para masabi na Zika free pa rin ang Pilipinas.

Gayunman, hindi sang-ayon dito ang DOH dahil 2,000 lamang ang natanggap nilang diagnostic kits mula sa US Centers for Disease Control and Prevention (CDC).

Kailangan anilang ilaan ang mga ito sa mga pasyenteng talagang mangangailangan ng testing.

Ayon pa kay Health Sec. Janette Garin, hindi rin praktikal na magsagawa ng random testing sa mga tao para lang malaman kung ilan na ang infected ng nasabing virus.

Magdudulot lang aniya ito ng panic sa mga Pilipino, kaya gagawin na lamang nila kung ano ang rekomendado sa kanila, at kung ano ang mas nakabubuti para sa lahat.

Ani Ong, panahon na para imulat ang ating mga mata tungkol sa sakit na ito na maaring mag-dulot ng panganib sa mga Pilipino lalo na sa mga sanggol.

Dalawang buwan na nga aniya tayong napag-iwanan sa Zika testing, kaya hindi na dapat magpatumpik-tumpik pa ang mga kinauukulan hinggil dito.

Ang Amerikanang nag-positibo sa Zika ay ang pangalawa nang kaso ng sakit dito sa bansa dahil noong 2012, isa ring 15-anyos na binatilyo ang tinamaan ng sakit sa Cebu, gayong hindi naman siya bumiyahe sa labas ng bansa.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.