Lowell Menorca, hindi ginipit, hindi tinakot – INC
Mariing itinanggi ng liderato ng Iglesia ni Cristo na may kinalaman sila sa biglaang pagpunta sa Vietnam ni dating INC minister Lowell Menorca kasama ang kanyang pamilya.
Sa isang pulong balitaan sa Iglesia ni Cristo Central Office, sinabi ni Edwil Zabala, tagapagsalita ng INC na hindi nila ginipit at tinakot si Menorca taliwas sa kanyang mga inihayag sa Media.
Sinabi ni Zabala na walang kinalaman ang INC sa biglang pag-labas ng bansa ng pamilya Menorca.
“Ang ginagawang ito ay bunga ng sama ng loob. Baka may gusto siyang gawin. Kapag may nangyayari, tinuturo niya kami,” dagdag pa ni Zabala.
Samantala, sinabi naman ni Atty. Moises Tolentino, legal counsel ng INC na kaya lumabas ng bansa si Menorca ay para matakasan niya ang mga kaso isinampa ng nasabing religious group bukod pa sa adultery case na kinakaharap nito.
Pasado alas-dyes kagabi nang makalabas ng bansa sina Menorca sakay ng Cebu Pacific flight na papuntang Vietnam at ayon sa INC spokesman ay nakasabay pa ito ng ilang kaanib nila sa relihiyon.
Nauna nang ibinalita ni Atty. Trixie Cruz-Angeles na nawawala ang kanyang kliyente pero kaninang hapon ay inamin din niya na nasa Ho Chi Minh City sa Vietnam ang pamilya Menorca.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.