Bilang ng mga pasahero sa MRT, LRT, PNR lumobo
Sa pagluwag sa physical distancing policy, nadagdagan ng hanggang 30 porsyento ang bilang ng mga pasahero ng MRT-3, LRT-1 at Philippine National Railways (PNR).
Sa MRT 3, dahil sa pagbabawas ng distansya ng mga pasahero, ang dating maximum capacity na 153 ay naging 204 at halos ganito rin ang nadagdag sa kapasidad ng LRT-1.
Limang porsiyento naman ang itinaas ng bilang ng mga pasahero ng PNR.
Ang bagong distansya ng mga pasahero sa mga tren ay 2.5 talampakan at ibaba pa ito sa 1.8 talampakan sa Setyembre 8 at muling ibaba sa Oktubre 12.
Ngunit, nananatili naman ang mahigpit na pagpapatupad ng iba pang safety protocols gaya ng pagsusuot ng mask at face shield, gayundin ang pagkuha sa body temperature ng mga pasahero.
Samantala, pag-aaralan ng Inter-Agency Task Force ang bagong polisiya sa mga pampublikong transportasyon dahil sa babala ng medical frontliners na maaaring magdulot naman ito ng pagsirit ng kaso ng COVID-19.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.