Pondo na pang-ayuda sa mga naapektuhan sa COVID-19 tatagal pa hanggang 2021
Kaya pa ng pamahalaan na magbigay ng pinansyal na ayuda sa mga naapektuhan ng COVID-19 hanggang sa 2021.
Tugon ito ng Palasyo sa pag aaral ng World Health Organization na hindi pa magkakaroon ng malawakang immunization sa 2021 kahit na may magawa ng bakuna ang Amerika.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, ito ay dahil sa naging konserbstibo ang Department of Finance sa paggastos sa pera ng bayan.
Kung matatandaan ayon kay Roque, napakataas ng stimulus package ng Kongreso sa Covid 19 pero sinopla ito ni Finance Secretary Sonny Dominguez dahil sa hindi pa alam kung hanggang kailan tatagal ang problema sa COVID-19.
“Kaya naman po. Ito iyong dahilan kung bakit ang ating Department of Finance ay very conservative po sa paggagastos. Kung maaalala ninyo po eh ang proposal ng Kongreso napakataas na stimulus package at ang sabi ng ating Secretary of Finance na si Sonny Dominguez, hanggang certain amount lang tayo dahil nga hindi natin alam kung gaano katagal pa itong COVID pandemic na ito,” ayon kay Roque.
Nagbubunga aniya ang conservative financial planning ni Dominguez dahil marami pang pondo ang dudukutin kung tatagal pa ang pandemya sa COVID-19.
Sa ngayon, hindi pa nalalagdaan ni Pangulong Duterte ang Bayanihan to Recovery as One o ang anumang batas na mayroong P165 bilyong stimulus package na ipamimigay sa mga mahihirap na pamilyang Filipino at mga maliliit na negosyo na naapektuhan ng COVID-19.
“Sa tingin ko kung talagang tatagal nang up to mid of next year, nagbubunga po iyong conservative financial planning ng ating Department of Finance dahil marami pa po tayong dudukutin kung hahaba pa itong pandemyang ito,” dagdag ni Roque.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.