P2M reward itinaas para mapabilis ang pag-aresto sa isang suspek sa investment scam
Inanunsyo ngayon ang isang miyembro ng pamilya Gaisano na handa itong magbigay ng reward na nagkakahalaga ng P2 million, para sa impormasyon na magreresulta sa pagka-aresto ng isang Wong Chun Yin, alias David Wong, na pinaghahanap ngayon ng awtoridad sa kasong syndicated estafa.
Ang nasabing reward ay binanggit ng mga abugado ni Valerie Gasiano – Sebastian sa isang liham na ipinadala ngayon kay National Bureau of Investigation Eric B. Castor.
Ang nasabing reward ay itunutulak ng mga kampo ng Gaisano matapos umano itong makatanggap ng impormasyon mula sa reliable sources na si Wong ay nagtatago sa kasalukuyan sa Taiwan.
Umaasa ang pamilya Gaisano na lalo pang pag-iibayuhin ng NBI ang follow up sa nasabing suspect, lalo na pa’t kasama si Wong sa listahan ng Red Notice ng INTERPOL.
Si Wong Chun Yin, alias David Wong, ay isa sa mga fugitive na tinutugis ngayon ng alagad ng batas matapos ito masangkot sa bilyon bilyong investment scam gamit ang kumpanya nitong DW Capital Incorporated.
Bukod kay David Wong, sangkot din sa kaso sina Derwin Wong, Derick Wong, Diane Wong, Davidson Wong, Lucy Chua, Juvy Ting, Susan Lu, Beverly Ansay, at Leonardo Marsan.
Sa kabila ng pagtatago ni David Wong sa batas, nagawa pa nitong hilingin sa korte na ilipat sa Makati City ang kasong kinakaharap mula sa Cebu RTC.
Mariin naman itong tinutulan ng biktimang si Gaisano Sebastian. Aniya, hindi dapat pagbigyan ang hiling ni Wong dahil hanggang sa ngayon, hindi pa rin ito sumusoko upang harapin ang kanyang kaso.
Nakahanda namang desisyunan ng Korte Suprema ang usapin ng pagbabago sa venue ng kaso sa mga susunod na araw.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.