Mas umiigting na ang mga inilulunsad na pag-atake ng mga militante sa ngalan ng Islamic State (IS) group sa Mindanao ayon sa mga analysts.
Dahil dito, mas lumalaganap na rin ang takot sa rehiyon, lalo na’t bigong maisakatuparan ang peace agreement sa pagitan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at ng pamahalaan.
Batid na may mga gunmen na umanib at nanumpa na ng katapatan sa ISIS na nag-lunsad na ng mga sunud-sunod na pag-atake laban sa mga militar simula nang bigong maipasa ang panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL).
Isa lang dito ay ang tangkang pag-patay sa Saudi Arabian lecturer na napag-alamang nasa hit list pala ng IS, bagaman inaalam pa rin ng mga pulis ang motibo sa pag-atake.
Ayon kay Philippine Institute for Peace, Violence, and Terrorism Research senior analyst Rodolfo Mendoza, mas lumalawig at lumalakas ang impluwensya ng IS dito sa bansa.
Iba’t ibang lokal na grupo na aniya ang nanumpa sa IS at nagpa-plano na ng mga malalaking operasyon tulad ng pambo-bomba, pag-atake at pagpapa-patay.
Ayon pa sa mga analysts, sinamantala ng mga grupo ang oportunidad na tanggihan ang kompromisong iniaalok ng pamahalaan para magpakitang gilas sa IS.
Sinabi naman ni National War College-Washington Southeast Asian security issues professor Zachary Abuza, na may malaking puntos para sa mga grupo kung mapapatunayan nilang mayroon silang malaking pwersa.
Tulad na lamang ng ginawa ng isang dating tahimik at nakatagong grupo na sumalakay sa Butig, Lanao del Sur, na minaliit lamang ng mga militar bilang isang small-time extortion gang.
Nang ma-kubkob ng mga militar ang kuta ng mga armadong kalalakihan, nakita ang mga ito na may bandera ng IS at nakasuot ng mga bandana na may insignia ng nasabing teroristang grupo.
Dagdag pa ni Abuza, posibleng magkaroon pa ng iba pang mga pag-atake ang iba pang grupong umanib sa IS, lalo na iyong mga nanumpa sa pamamagitan ng videos na nasa internet.
Ang dahilan aniya kung bakit lumalawig ang suportang nakakamit ng IS ay dahil sa abilidad nito na pondohan ang mga grupong umaanib sa kanila.
Babala naman ni MILF spokesperson Von al-Haq, kung patuloy na magiging tatamad-tamad ang gobyerno sa pagsusulong ng peace process, posible ngang madagdagan pa ang mga grupo na susuporta sa ISIS.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.